IM DE GUZMAN AT ‘DOROY’ NASA TOP 10 NG ASIAN INTERCON CHESS

NAKASIKWAT ng tagumpay sa round 4 kontra sa magkaibang karibal sina International Master Ricardo De Guzman at Woman FIDE Master Allaney Jia “Doroy” Doroteo ng Pilipinas upang kapwa makakuha ng upuan sa top 10 sa Open at women’s division ayon sa pagkakasunod-sunod ng ginaganap na 2018 Asian Intercontinental Chess Championships sa Tiara Hotel ng Makati.
Naungusan ni De Guzman, 44th seed at may FIDE rating na 2357, si Mongolian IM Sumiya Bilguun (FIDE Rating: 2497) para iangat ang kanyang rekord sa 2.5 puntos at makasosyo sa pang-10 puwesto kasama ang 21 iba pang disipulo ng ahedres.
Tatlong dayuhang GMs (2 mula sa India at 1 mula sa China) ang may tangan ng trangko sa iskor na 3.5 puntos. Nauna rito, nahugutan ng buong puntos ng batikang si De Guzman ang Taiwanese na si Adelard Bai (FIDE Rating: 2100) at nakatabla niya si Uzbek IM Shamsiddin Vokhidov (FIDE Rating: 2480).
Bulaga naman ang inabot ni 2nd ranked at Kazakhstan ace Guliskhan Nakhbayeva nang makaharap niya si 33rd seed Doroy. Ang Kazakh ay may men’s IM na titulo at may FIDE rating na 2371 samantalang ang Pinay ay may rating lang na 1972.
Dahil dito, nakaupo ni Doroy, taglay rin ang 2.5 puntos sa pangwalong puwesto kasosyo ang anim na iba pang lady chessers. Ito na ang pangalawang panalo ni Doroy sa 9 na round na paligsahan.
Noong round 2, dinaig din niya si 23rd seed at WIM Catherine Secopito habang hinatak niya sa isang hatian ng puntos ang higher rated na Intsik (Yunshan Li, no. 19 sa ranking at may FIDE rating na 2196). Kasalukuyang isang Mongolian, isang Indian at isang Vietnamese ang nangunguna sa kababaihan (3.5 puntos).





Comments