Kelot pinatay, isinilid sa garbage bag
NAKASILID sa itim na garbage bag nang matagpuan ang isang bangkay ng lalaki sa bahagi ng Bgy. UP Campus sa Quezon City.
Pinaikutan ng packaging tape ang nasabing bag na natagpuan ng mga mangangalakal sa tapat ng Phivolcs sa kahabaan ng CP Garcia Avenue.
Tumawag ng guwardiya ang mga mangangalakal na siya namang nag-report sa mga awtoridad.
Lumalabas sa report ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit na bago pa man makita ang bangkay ay isang kotse ang namataang pumarada sa lugar alas-7:30 ng gabi ng Miyerkules.
Kinabukasan, nang buksan ng pulisya ang garbage bag ay dito tumambad sa kanilang harapan ang bangkay ng lalaki na tadtad ng tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Pinaniniwalaan din na pinatay ang biktima sa ibang lugar at itinapon lamang sa lugar.





Comments