Disiplinadong motorista, solusyon sa malalang trapik sa kalsada!

HINILING ng opisyal ng House of Representatives kay Pangulong Rodrigo Duterte na patalsikin na si Budget Sec. Benjamin Diokno dahil sa kontrobersiya ng mga “isiningit” umanong pondo sa budget ng DPWH, partikular ang bilyun-bilyong piso para sa Sorsogon na hindi raw nito alam, hindi ito alam ni P-Duterte at ng DPWH. Ang anak ni Diokno ay kasal sa anak ng kasalukuyang vice-gov. ng Sorsogon, na planong tumakbong mayor ng Sorsogon City sa darating na eleksiyon. Ayon kay Diokno, hindi raw niya alam ang mga perang “isiningit” sa budget ng Sorsogon, bagay na hindi mapaniwalaan ni House Majority Leader Rep. Rolando Andaya.
Sino ang hindi magtataas ng kilay sa sitwasyong ito? Heto na naman tayo, tila may pinapaboran ang miyembro ng gabinete tulad ng mga kontrata sa gobyerno ng kumpanya ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida na hindi na naimbestigahan dahil sa iniangat na isyu laban kay Sen. Antonio Trillanes, IV. Paano hindi malalaman ni Diokno ang nagaganap sa kanyang tanggapan, lalo na at pera ang pinag-uusapan gayung siya ang kalihim? Tila walang may alam kung sino ang nagsingit ng pitumpu’t limang bilyong pisong budget ng DPWH. Ano kaya ang isyung iaangat para mawala sa atensiyon ng lahat ang isyung ito? Ano ang gagawing aksiyon ni P-Duterte, na puro lang pangako na lalabanan daw ang korupsiyon?
◘◘◘
Matindi na ang trapik sa kalsada dahil malapit na ang Pasko. Kahit saan tayo magpunta, sigurado mayroong mabigat na trapik. Bagama’t, naiintindihan natin kung bakit matindi ito, ang hindi natin maintindihan, masama na nga ang sitwasyon ng kalsada, sumasabay pa ang ilang drayber na nagpapakita ng kanilang hindi kagandahang ugali.
Tulad ng mga nakamotorsiklong sumasalubong kahit saan tila sila lang ang may karapatan sa magkabilang kalsada. Mga sasakyan pa na nasa tamang hanay ng kalsada ang kailangang umiwas. Gayundin, ang mga pampasaherong sasakyan, partikular ang mga jeepney at tricycle. Kung saan-saan sumasalubong, nagsasakay at nagbababa ng pasahero, may ilan ding mga tricycle na sumasalubong sa one-way na kalsada at hindi sumusunod sa traffic lights. Kung iisipin, tayo rin ang dahilan ng masaklap na trapik. Gayunman, kung paano maaayos ito o kung paano mababago ang ugali ng ilang hindi disiplinadong motorista ay hindi pa natin alam.





Comments