Balangiga Bells, simbolo ng katapangan at sakripisyo ng 50,000 Pilipino na minasaker ng mga Amerikan

NOONG 2017, sa pangalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ikinuwento nito ang madugong pangyayari sa isla ng Samar nang sapilitang inokupa ng mga Amerikano ang Pilipinas, matapos tayong ibenta ng España sa U.S.
Kaunti lang ang may alam sa insidente ng “Balangiga massacre” bago ito nabanggit ni P-Duterte sa kanyang SONA. Noong 1901, nagsimula ang mga Amerikano na pagtibayin ang kanilang paghawak sa Pilipinas.
Nagpadala ito ng mga armadong sundalo sa Samar para masiyasat ang kanilang bagong lupain (naging kolonya tayo ng U.S. mula 1898 hanggang 1946).
Pero, hindi nila napansing mayroon pang natitirang mga rebolusyunaryo sa Samar at nang dumating ang mga Amerikano roon para maging bagong “amo” ng mga Samareño ay nagplano ng pag-atake ang mga ito.
Kahit bolo lang ang sandata, naging matagumpay ang mga Pilipino laban sa 9th U.S. Infantry Regiment sa Samar. Halos limampung sundalong Amerikano ang napatay sa insidente at 28 sa panig ng mga Pilipino.
Ayon sa mga Amerikano, ito raw ang Balangiga massacre. Pero sa katunayan, ang totoong masaker ay nangyari matapos gumanti ang Estados Unidos sa Pilipinas.
Nagpatawag sila ng mga resbak o reinforcement mula sa U.S military sa pangunguna ni Army General Jacob Hurd Smith.
Ito umano ang order ni Smith sa kanyang mga sundalo: “Walang bihag. Pumatay kayo at magsunog, ‘yan ang gusto ko. Habang mas marami ang napapatay ninyo at nasusunog ay mas masisiyahan ako. Gawing humihiyaw na kagubatan ang Samar kung saan kahit mga ibon ay aayaw.”
Ayon sa mga ulat, mga 50,000 Pilipino ang napatay ng mga Amerikano sa bayan ng Balangiga at sa buong isla ng Samar. Wala silang pinipili: lalaki, babae, bata at maging kalabaw ay pinatay at sinunog nila.
Ang utos ni General Smith, lahat ng mga bata edad 10 pataas ay kailangan ding patayin. Naging eskandalo sa U.S. ang pangyayaring ito dahil hindi dapat isinasama ang mga bata sa laban ng mga sundalo sa digmaan.
Napahiya ang U.S. sa matagumpay na raid na ginawa ng mga Pilipino sa kanilang army base sa Samar. Marahil sa isip nila, lintik lang ang walang ganti, lalo na at nasa kanila ang malalakas na mga armas.
Bilang huling insulto sa mga Samareño ay kinuha ng mga Amerikano ang tatlong kampana ng Simbahan ng Balangiga. Ang mga kampanang ito raw ang nagsilbing senyales sa mga rebolusyunaryo na simulan na ang raid sa U.S. Army Base.
“Ang mga kampanang ito ay nagpapaalala ng katapangan at kabayanihan ng ating mga ninuno na lumaban sa mga mananakop na Amerikano at nagsakripisyo ng kanilang buhay,” sabi ni P-Duterte noong 2017.
Diretsa niyang sinabi ang mensaheng ito para sa gobyernong U.S., “kaya sinasabi ko sa inyo ngayon isauli ninyo sa amin ang Balangiga Bells. Amin ‘yan. Pilipinas ang may-ari n’yan. Parte ito ng aming pagiging Pilipino.”
Isa’t kalahating taon matapos ibulgar ang Balangiga massacre ay nagtagumpay si P-Duterte sa hiling na maibalik ang mga kampana. Inaprubahan ni U.S. Defense Secretary James Mattis ang pagbabalik ng mga kampana na nakadisplay sa U.S. Military Bases sa Wyoming at South Korea.
Gayundin, palagay natin, nakatulong ang pakikipagkaibigan ni P-Duterte kay U.S President Donald Trump sa pangyayaring ito.
Pero higit dito, ang pagkaastig ni P-Duterte, ang kanyang bagong “independent foreign policy” na labas sa kautusan ng U.S., ang pagtulak niya ng nasyunalismo sa bansa — ang lahat ng ito ang nagtulung-tulong para magkaroon ng bagong respeto ang mga Amerikano sa mga Pilipino.
Sa umpisa palang, sinabi na ni P-Duterte na hindi tayo magiging tuta ng U.S. Nakipagkaibigan siya sa China at Russia kahit ayaw ito ng U.S. at bakit hindi? Wala tayong kaaway na bansa. Kahit sinong gustong tumulong sa atin ay dapat nating maging kaibigan.
Sa Sabado (Disyembre 15), uuwi na ang Balangiga Bells sa isla ng Samar. Dadalo raw si P-Duterte sa turnover ceremony na gaganapin doon.
Kinumpirma ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagsabi rin na ang buong bansa ay nagbubunyi sa makasaysayang pagbabalik ng mga kampana.
Dagdag pa niya, “sa muling pagtunog ng mga kampana matapos manahimik ng isandaang taong, maririnig ito ng buong mundo maging ang mensaheng hindi natin hahayaan ang dominasyon ng mga dayuhan o ang pakikialam sa ating soberanya.”





Comments