Babala sa mga daddy at mommy | Laruang ipanreregalo, dapat safe!

BUKOD sa ipinagbabawal ang pagpapaputok ngayon Holiday Season, nagbabala rin ang mga kinauukulan hinggil sa pagreregalo ng mga laruang baril-barilan.
Ito ay base sa mabentang panregalo ngayong kapaskuhan kung saan ayon sa mga tindero sa iba’t ibang pamilihan, usung-uso pa rin ngayon ang baril-barilan na binabalahan ng pellets na may bigat na 0.20 grams na nakapananakit sa indibidwal.
Kaya nabahala ang mga ahensiyang kumakalinga sa mga bata tulad ng Save the Children dahil anila, maaaring mag-iwan ng masamang epekto ang paglalaro ng baril, lalo na at ang sinisimbolo nito ay violence o karahasan.
Matatandaang, may mga aksidente ng nangyari hinggil sa mga baril na pinaglaruan ng mga bata na ikinamatay nila na walang kalaban-laban kaya normal lang na mabahala ang lahat ng mamamayan.
Gayunman, makatutulong ang paalalang ito upang maagapan natin ang posibleng maidulot nito sa tao, partikular na sa mga bata.
Sa totoo lang, walang masama sa paglalaro ng mga bata, pero mainam kung gagabayan sila ng mas nakatatanda.
Gayundin, kung magreregalo tayo sa ating mga inaanak, piliin ‘yung mga bagay na nakaaaliw, pero makatutulong din sa kanilang pagkatao.
Samantala, ang payo natin sa mga magulang, siguraduhing nagagabayan natin nang mabuti ang ating mga anak ngayong kapaskuhan nang sa gayun ay hindi sila mapahamak ng dahil lang sa laruan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments