Martial law extension sa Mindanao, aprub na
- Vyne Reyes
- Dec 13, 2018
- 1 min read

PINAGTIBAY na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagpapalawig ng Martial Law at pagsuspinde ng prebilehiyo ng writ of habeas corpus sa Mindanao.
Sa joint session sa Batasan Pambansa kahapon, inaprubahan ng 235 senador at kongresista; 28 tumutol at isa ang nag-abstain sa mosyon na palawigin ang Batas-Militar mula sa Enero 1, 2019 hanggang Disyembre 31, 2019.
Sa hanay ng mga senador, 12 ang pumanig sa nasabing hakbang, lima ang tumutol at isa ang nag-abstain habang sa mga kongresista ay 223 ang pabor at 23 ang tutol. Ito na ang ikatlong beses na napalawig ang Martial Law sa Mindanao sa harap ng nagpapatuloy pa ring banta ng karahasan at terorismo sa rehiyon.
Una nang naipatupad ang Martial Law sa Mindanao noong Mayo 2017 matapos ang pag-atake ng Maute-ISIS Group sa Marawi City.
Nang hindi pa rin maibalik sa normal ang sitwasyon ng seguridad, na-extend ito noong Hulyo 2017 hanggang Disyembre 2017.
Ikalawang beses na humirit ng pagpapalawig ay noong Enero 2018 hanggang sa katapusan ng taon.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang humirit sa Kongreso para sa nasabing extension batay na rin sa rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Inamin ni AFP Chief of Staff Lt. General Benjamin Madrigal na may presensiya pa rin ng mahigit 2,400 terorista sa Mindanao kaya kailangang maipatupad pa rin ang Batas-Militar.
Siniguro naman ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na walang magiging paglabag sa karapatang-pantao sa panahon na umiiral ang Martial Law.





Comments