top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

ALASKA, NAKABAWI, 2-2 NA!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 13, 2018
2 min read

NAITABLA ng Alaska Aces ang serye matapos nilang pagulungin ang Magnolia Hotshots, 90-76 kagabi sa Game 4 ng 2018 Philippine Basketball Association, (PBA) Governors Cup sa Araneta Coliseum.

Kumana si Mike Harris ng 33 puntos upang tulungan ang Aces na ilista ang 2-2 serye sa kanilang best-of-seven finals. Maagang nag-init ang Alaska sa unang dalawang periods, hinawakan nila ang 10-point lead, 42-32 sa halftime.

Nakauna ang Hotshots sa Games 1 at 2 bago sumagot ang Aces sa Game 3. Samantala, nakalawit ni Paul Lee ng Magnolia ang kauna-unahang Best Player of the Conference award sa kanyang PBA career habang itinanghal na best import si Mike Harris ng Alaska.

Tinanggap nina Lee at Harris ang nasabing parangal bago nagsimula ang Game 4. Inungusan ni Lee sina Chris Banchero ng Alaska, rookie Christian Standhardinger ng San Miguel, NorthPort guard Stanley Pringle at Ginebra forward Japeth Aguilar. Pinakamalaking award ni Lee sa kanyang seven-year career, hinirang ang dating University of the East star na Rookie-of-the-Year noong 2012.

Nakalikom si Lee ng 1,013 points matapos manguna sa statistical points, media votes, player votes at PBA votes upang maging unang Magnolia player nagwagi sa nasabing award sapul ng manalo si James Yap sa 2010. Pumangalawa si Banchero na may 753 points. Tersera si Standhardinger na may 659 puntos. Tinalo ni Harris si Romeo Travis ng Magnolia.

Samantala, halos lahat ng aplikante sa PBA draft ay nagpunta sa Day One ng 2018 PBA Gatorade Draft combine kung saan ay 47 sa 48 applicants ang nagpakita sa Gatorade Hoops center sa Shaw kahapon. Tanging ang UE forward na si RR de Leon ang hindi nakadalo sa anthropometry tests na awtomatikong diskuwalipikado na siya sa final draft list. Tulad ng inaasahan, sina CJ Perez, Bobby Ray Parks at Robert Bolick ang nanguna sa 47-man field session. (ATD)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page