top of page

Karapatang-pantao, gaano nga ba kahalaga?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 12, 2018
  • 2 min read

GAANO kahalaga ang karapatang-pantao, ano ang kalagayan ng mga karapatang-pantao sa ating bansa, mayroon bang pang-unawa rito ang nakararami, ano ang kalagayan nito, mayroon bang malinaw at mabungang pagtangkilik ng pamahalaan mula sa pangulo at sa lahat ng mga naglilingkod mula sa kataas-taasan hanggang sa pinakamababang antas ng pamahalaan?

Kung iisa-isahin nating sasagutin ang mga tanong, hindi maganda ang lalabas na larawan ng karapatang-pantao sa ating bansa. Ang ugat o batayan ng karapatang-pantao ay ang dangal ng tao. Ang bawat tao ay may dangal. Ang dangal ay likas na kahalagahan na nagbibigay sa atin ng dignidad. Bilang mga Kristiyano, ang ating dangal at dignidad ay mauunawaan natin sa mga salitang mula sa Banal na Kasulatan na tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos. Mamamalas sa bawat tao ang mga katangian ng Diyos: Totoo, magalang, makatarungan, mapagpa­tawad, mapayapa, mapagmahal, mapagpalaya at iba pa.

Iba’t ibang grupo na ang nabuo bilang pagtugon sa laganap nang paglapastangan sa dangal ng tao; paglabag sa kanilang dangal; paglabag sa Saligang-Batas at sa karapatang-pantao; karahasan at walang habas na pagpatay. Kamakailan, ika-6 ng Disyembre, naanyayahan tayong magdiwang ng misa ng pasasalamat sa ibinunga ng isang taon nang pag-oorganisa at pagbubuo ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK sa Caloocan, Malabon at Navotas.

Unti-unting napuno ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK ang kalahati ng Katedral ng San Roque ng Diyosesis ng Caloocan. Kapansin-pansin ang kalagayan ng mga naroroon sa kanilang mga bihis at kaayusan. Malinaw na nababakas ang kahirapan sa mga mukha ng karamihan. Ito ang mga pamilya ng EJK, ang mga kapatid nating mahihirap.

Salamat sa pagtulong at pagbubuo ng mga pamilya ng EJK upang may mapaghugutan sila ng lakas, inspirasyon at direksiyon.

Maganda at malalim ang nangyari at higit sa lahat, naroroon ang Mahal na Birheng Maria upang tulungang lumiwanag at luminis ang mga isip, puso, diwa at kaluluwa ng lahat para sa patuloy na pagharap sa mga hamon ng karapatang-pantao.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page