Istayl ng mga dilawan, buking sa sinapit nina ‘Bong‘, ‘Jinggoy’ at Binay | Kapag ‘presidentiable’, y
- BULGAR

- Dec 12, 2018
- 4 min read
KUNG anuman ang tingin ninyo sa pagka-acquit ng Sandiganbayan kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa kasong plunder at sa paglaya niya mula sa kulungan, ang mahalagang tandaan ay kung paano at bakit siya tinira nang husto ng dating administrasyon.
Sina ex-Sen. “Bong” at Sen. “Jinggoy” ay parehong tinatawag na “presidentiable” o mga sikat na pulitiko na puwedeng tumakbo bilang pangulo dahil malaki ang tsansang manalo.
Madalas, pag-usapan noon si Revilla bilang kandidato sa pagka-pangulo ng pinagsamang puwersa ng partido Lakas-Kampi-CMD. Gayundin, si Jinggoy ang tinatayang magiging kandidato ng UNO Party ng kanyang ama na si Joseph Estrada.
Sa panahon ngayon, kapag tayo ay celebrity o kilalang tao, malaki ang pag-asa nating manalo sa eleksiyon. Mayroong silang “name recall”, malakas ang simpatya sa kanila ng mga botante matapos ang ilang taong kapapanood ng kanilang mga pelikula at programa sa telebisyon.
Hindi ba, ito ang malaking dahilan kaya nanalo si Joseph Estrada, dating action star sa pagka-pangulo noong 1998 laban kay Jose de Venecia?
Kaya naglakas-loob si Fernando Poe, Jr. na tumakbo noong 2004. Akala niya ay matutularan niya ang kapalaran ng kanyang kumpare na noong panahong ‘yun ay nasa kulungan sa kasong plunder matapos ang kanyang impeachment trial.
Pero, may pagkakaiba sina FPJ at Erap. Naging mayor ng San Juan ang huli ng ilang taon. Naging bise-presidente rin siya sa ilalim ng administrasyon ni Fidel Ramos. Mas malawak ang eksperyensiya nito sa politika kaysa kay FPJ.
Gayundin, sina Revilla at Estrada, parehong hasa sa politika. Naging gobernador si Revilla ng Cavite bago naging senador at si Estrada naman ay naging mayor din ng San Juan tulad ng kanyang ama bago naging senador. Nang patapos na ang termino ni ex-P-Noy, nagsimula na ang operasyon para manalo ang kandidato ng mga dilawan na si Mar Roxas. Tinarget nila lahat ng kandidato na sa tingin nila ay malakas at maaaring makatalo kay Roxas.
May espesyal umanong galit ang mga dilawan kay Revilla matapos nitong ibulgar noong 2014 sa isang talumpati sa Senado na si ex-P-Noy mismo ang humiling sa kanya na bumoto para ma-impeach si dating Chief Justice Renato Corona.
Inasar pa ni Revilla si Mar Roxas, na tinawag nitong “Boy pick-up” dahil ito raw ang sumundo sa kanya sa bahay at ipinagmaneho siya papuntang Malacañang. Malinaw sa mga pangyayari na may plano ang mga dilawan na ipakulong sina Revilla at Estrada para wala ng kalaban si Mar.
Isa umano sa mga mastermind ng maitim na planong ito ay ang budget secretary ni ex-P-Noy na si Florencio “Butch” Abad. Nang nalaman ni Abad ang tungkol sa special audit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ay dagliang inutusan niya si COA Chairman Grace Pulido-Tan na bilisan ang pagtapos ng ulat.
Pinasabog ng mga dilawan ang isyu ng pork barrel scam sa pamamagitan ng paggamit ng mga piling dilawang pahayagan. Isang negosyante, si Janet Lim-Napoles, ang itinurong mastermind daw ng operasyon na may pekeng NGO ang kukuha ng pondo ng pork barrel na nakatalaga para sa mga senador.
Nagtago muna ng ilang linggo si Napoles, pero nang sumuko siya, sa Malacañang siya dinala ng tagapagsalita ni ex-P-Noy na si Edwin Lacierda. Hanggang ngayon, hindi maipaliwanag ng mga dilawan kung bakit kilala nina ex-P-Noy at Lacierda si Napoles (lumabas din kalaunan ang mga litrato ni ex-P-Noy kasama si Janet at anak na si Jeane).
Ayaw sabihin noon ng Malacañang kung ano ang pinag-usapan nila ni Janet. Pero, may mga ulat na nagsabing napagkasunduan daw nina ex-P-Noy at Napoles na hindi siya pababayaang mapahamak (dahil marami daw gustong pumatay sa kanya) kung ang ituturo niya sa PDAF Scam ay mga taga-oposisyon lamang at hindi niya babanggitan ang mga miyembro ng Liberal Party na tumanggap ng suhol.
Noong 2017, sinabi ni Vitaliano Aguirre II, na sinabihan daw siya ng abogado ni Napoles na isinangkot daw ng tinatawag na “pork barrel scam queen” ang mga dilawang senador na sina Franklin Drilon, Antonio Trillanes IV, Leila de Lima at Florencio Abad.
Gayundin, nabanggit ni Napoles na si Abad daw ang nagturo sa kanya kung paano magtayo ng ‘pekeng’ NGO (non-governmental organization) para makakuha ng pondo mula sa gobyerno at kung paano ibubulsa ang mga ito.
Nang dinala sa kulungan si Napoles, si ex-P-Noy mismo ang naghatid sa kanya sa Camp Crame. Sumakay ang “scam queen” sa opisyal na sasakyan ni ex-P-Noy kasama si Mar Roxas. Ngayon lang tayo nakarinig na ang kriminal na kakasuhan ng pagnanakaw ng bilyong pondo ng bayan ay sinamahan ng pangulo papuntang kulungan niya.
Naipakulong ni ex-P-Noy sina Revilla at Estrada, sa pamamagitan ng testimonya ni Napoles. Alin kaya sa sinabi ni Napoles ang katotohanan at kasinungalingan na sinabi lang niya dahil sa utos sa kanya ng “boss”? Matapos matanggal ang dalawang potensiyal na kalaban ni Mar Roxas, si Jojo Binay naman ang tinira ng mga dilawan. Napakalakas ng popularidad ni Binay noon na sumikat bilang mayor ng Makati City at bise-presidente ni ex-P-Noy.
Sa tagal at tindi ng banat kay Binay ay bumagsak ang rating nito bilang kandidato sa pagka-pangulo. Pero, ito ang naging karma ng mga dilawan. Dahil sa sobrang pagkapako ng tingin kay Binay ay hindi nila napansin na lumalakas pala ang kandidatong mula sa Davao City. Siniraan nila si Binay sa masang Pilipino kaya lumipat ang pagtingin ng mga ito sa isa pang pangmasang kandidatong si Pangulong Rodrigo Duterte.





Comments