Dahilan ng pagsakit ng kasu-kasuan

Dear Doc. Shane,
Nakararanas na ako ng pananakit ng aking mga tuhod. Nais kong malaman kung may kaugnayan ba ito sa pagiging overweight ko? Ano ang mainam gawin para hindi ito lumala? — Edron
Sagot
Maraming uri ng rayuma (arthritis) ngunit, ang dalawa sa pangkaraniwan ay ang tinatawag na osteoarthritis (OA) at rheumatoid arthritis (RA).
Bagama’t, pareho itong nasa kategorya ng arthritis at parehong nagdudulot ng masakit na pakiramdam, ito ay magkaiba dahil ang osteoarthritis ay bunga ng pagnipis at pagkasira ng cartilage.
Ang cartilage ay makikita sa dulo ng magkarugtong na buto upang hindi ito magkiskisan. Kadalasang nasisira o numinipis ang cartilage ng joint dulot ng madalas na paggamit at paggalaw ng mga kasu-kasuan sa mahabang panahon.
Ang tuhod, dahil sa trabaho nitong saluhin ang malaking bigat ng katawan bukod sa paggalaw nang palagian ay isa sa madalas tamaan ng osteoarthritis. Samantala, ang rheumatoid arthritis ay problema rin sa kasu-kasuan ngunit, ang dahilan ng sakit na ito ay ang mismong immune system ng katawan ang umaatake sa lining ng kasu-kasuan.
Narito ang mga dapat gawin:
Panatilihing tama ang timbang — ang labis na katabaan ay nagbibigay ng mas maraming puwersa sa mga kasu-kasuan tulad ng balakang, mga tuhod at paa na siyang nagdadala ng kabuuang bigat ng katawan.
Mag-ehersisyo — mahalagang malakas ang mga kalamnan ng mga paa, lalo na ang mga muscle na nasa harapan ng hita. Mapalalakas ito sa pamamagitan ng squat (exercise).
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa Omega-3 fatty acids, Vitamins C at D.
Bagama’t, hindi madalas sinasabi na may mga pagkaing makasusugpo sa osteoarthritis, ang Omega-3 fatty acids, Vitamins C at D ay nakababawas ng panganib at pumipigil sa paglala ng sakit sa kasu-kasuan.





Comments