CARGO MOVERS, FINALIST NA; NU, TINALO ANG THAI SA AUG
- BULGAR

- Dec 12, 2018
- 2 min read

PASOK na sa finals ang F2 Logistics makaraan ang 21-25, 25-15, 25-20, 19-25, 15-5 na dominasyon sa Generika-Ayala sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa 2nd game sa Muntinlupa Sports Center. Binalikat nina Cha Behag, Ara Galang at Aby Marano ang laro sa deciding set upang makatuntong sa finals ng liga. Nakagawa si Behag ng 17 points habang si Galang ay 14 attacks at ace 15 points para sa Cargo Movers, na pakay muling angkinin ang All-Filipino title nang matalo sa Petron noong 2017.
Habang isinusulat ito ay katunggali ng Blaze Spikers ang Cignal para sa isa pang final match sa Cargo Movers.
Samantala, nakapagpag ang University of Santo Tomas mula sa kalawang na simula upang talunin ang University of the East, 27-25, 19-25, 25-14, 25-20 at makasikwat ng tiket sa finals ng Philippine Superliga Collegiate Grand Slam.
Ang troika nina Eya Laure, Milena Alessandrini at Tin Francisco ang bumida sa Tigresses para sa impresibong panalo para makatuntong ng finals kontra UP.
Ang winner-take-all finals duel ay sa Dis. 20 sa Mall of Asia Arena. Bumanat si rookie sensation Laure ng 15 points at 13 kills habang si skipper Francisco ay may 14 sa Tigresses na nagbabantang walisin ang elimination round.
Samantala, ang Pilipinas ay kinatawan ng reigning UAAP men’s volleyball champions National University at ginulat ng team ang defending champions Thailand sa 19th ASEAN University Games sa Naypyitaw, Myanmar.
Sa kanilang unang laro sa volleyball tournament, sinibak ng Pilipinas ang Thai sa bisa ng 30-28, 25-23, 25-19 na tagumpay. Ang pahirapang laro tungo sa panalo sa Pool A ang nakatiyak na para sumelyo ang Pinoy sa semifinals spot ng five-day event. Makasasagupa ng Pinoy ngayong Miyerkules ang Malaysia at pakay ang No. 1 ranking sa grupo. (VA / MC)





Comments