Taas-singil sa kuryente

MAGTATAAS ng P0.09 kada kilowatt hour (kWh) sa kanilang singil sa kuryente ngayong Disyembre ang Manila Electric Company (Meralco).
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, dahil sa naturang pagtaas ng singil, aabot na ngayon sa P10.1803/kWh ang presyo ng kuryente mula sa dating P10.0901/kWh.
Katumbas ito ng P18 na dagdag ngayong December bill para sa mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, P27 naman sa mga nakagagamit ng 300 kWh, P36 para sa kumokonsumo ng 400 kWh at P45 para sa mga nakagagamit ng 500 kWh.
Ipinaliwanag ng Meralco na ang pagtaas ng singil ay kaugnay sa pagtaas ng generation charge ng Independent Power Producers (IPPs) ng hanggang P5.33/kWh mula sa dating P5.27/kWh lamang, habang tumaas din ang nakuhang suplay sa mga kakontratang planta ng Meralco.
Mas magiging mataas pa sana umano ang singil kung hindi lamang bumaba ang presyo ng kuryente sa spot market ng P1/kWh.
Nabatid na 20% lamang ang kinukuhang suplay ng Meralco mula sa spot market.





Comments