Hubugin ang mga mag-aaral sa 21st Century skills

MAY mga batang likas na malikhain na kahit hindi pa nagsisimulang mag-aral ay kapansin-pansin na agad ang kanilang pagiging maparaan na karaniwang nakikita sa kanilang pakikipaglalaro at pakikisalamuha sa iba. Dahil dito, nagiging maabilidad sila habang lumalaki.
Upang mahasa ang kanilang malikhaing pag-iisip, mahalagang mahubog ang tinatawag na 21st Century skills ng mga bata kung saan malilinang ang kanilang abilidad sa kolaborasyon, digital literacy, critical thinking at problem-solving sa pamamagitan ng pag-alalay at pagsubaybay ng mga guro sa loob ng klasrum.
Ayon sa ating mga teacher, ang palatandaan ng mga estudyanteng malikhain ay ang mga indibidwal na may kakayahang makaisip o makabuo ng mga ideya, alternatibo o mga posibilidad na maging kapaki-pakinabang upang malutas ang mga suliranin, makipagtalastasan sa kapwa nila mag-aaral at libangin ang sarili at ibang tao.
Sa paglipas ng panahon at sa kanilang paglaki ay mamamalas ang kanilang kakaibang katangian tulad ng mga sumusunod:
• Pagiging maalam.
• Mapagmasid sa kapaligiran.
• Malawak ang imahinasyon na nagdudulot sa kanilang na gumawa ng mga produktibong bagay.
• Kritikal na pag-iisip na ang intensiyon ay ang kabutihan ng nakararami.
• Sensitibo at marunong umunawa ng emosyon ng kapwa.
• Non-conformist o hindi mabilis umayon sa mga pangkaraniwan, sa halip ay naghahanap ng mga alternatibong paraan.
• Mataas ang motibasyon at may tiwala sa sarili na pangunahan ang mga ideya o pagkilos.
Payo ng mga kinauukulan ng Department of Education (DepEd) sa mga magulang ng mga pre-schooler, maaaring matulungan ang kanilang pagiging malikhain sa pamamagitan ng paglalagay ng simple at permanenteng lugar para magsulat, gumuhit o lumikha, pagbibigay sa bata ng kalayaan sa pagsasalita at i-assist sila sa anumang paraan tulad na lamang ng pagbili ng kanilang kakailanganing supplies o tulungang gumupit ng crafts.
Para sa mga guro, makatutulong sila sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga gawaing ito:
• Hanapin at sama-samang gawin ang mga bagay na nagbibigay ng interes sa mga bata.
• Magsagawa ng pagsusuri.
• Tanggapin ang iba’t ibang estilo ng pagkamalikhain ng bawat isa.
• Hands-on o tutok na pagtuturo.
• Maging interactive sa pagtuturo.
• Ibahin ang ayos ng klasrum, gawin itong kaaya-aya at makulay para sa pag-iisip at pagmumuni-muni.
• Gawing collaborative ang pagtuklas ng kaalaman — gumawa ng mga aktibidad na pagtutulung-tulungan nang sabay-sabay.
• Ibahin ang format ng pagbibigay ng mga takdang-aralin.
• Magkaloob ng premyo at recognition upang mas maging interesado ang mga estudyante.
• Magsagawa ng team building.
Nakasalalay sa pagtuturo ng mga nakatatanda ang paghusay ng batang mag-aaral kaya dapat tayo mismo ay maging malikhain din sa pagtuturo, may saya, kawili-wili at palaging may bagong gawain na nakaeengganyo sa mga estudyante upang makapag-isip, lumikha ng mga ideya o bagay na kapaki-pakinabang sa bawat isa maging sa ating lipunan.
Tandaan, na ang ating layunin ay hindi lamang magturo ng impormasyon at prinsipyo kundi para matulungan din ang kabataang mapabuti at maging panatag ang kanilang kinalalagyan sa ating bansa.
Sa bandang huli, tamang pagpapalaki pa rin ang susi sa kanilang pagiging malikhain!





Comments