DLSU-ZOBEL, TINIGPAS ANG NU SA UAAP HS VOLLEYBALL


PINATALSIK ng De La Salle-Zobel ang dating girls division champion National University matapos ang 25-21, 25-23, 15-25, 16-25, 15-8 panalo sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament finals noong weekend sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Ang kampeonato ang una ng Junior Lady Spikers’ pagkaraan ng limang taon at ika-10 nilang overall crown bilang league most winningest team.
“Napakasaya ng feeling. Hindi ko ma-express. Buong La Salle-Zobel community, sumusuporta sa programa,” wika ng kanilang coach na si Tina Salak. ”Nakaka-overwhelm. Sobrang saya. Lahat ng hirap ng mga bata, nagbunga. ‘Yung tulong nila at sakripisyo nila.”
Sanhi ng pagkabigo, natapos ang apat na taong pamamayagpag ng Junior Lady Bullpups. Pinamunuan ni Angel Canino ang panalo sa ipinoste niyang 21 puntos kasunod si Alleiah Malaluan na may 15 hits at 15 ring receptions.
Sa boys division, nakalapit ang NU Bullpups sa inaasam na titulo matapos gapiin ang Far Eastern University-Diliman. (VA)





Comments