top of page
Pokwang.jpg

TABAL AT POLIQUIT, KAMPEON PASOK NA SA 2019 SEA GAMES

A. Servinio
Dec 10, 2018
1 min read

LAOAG CITY – Gumawa ng bagong kasaysayan sina Mary Joy Tabal at Rafael Poliquit matapos nilang magwagi sa 42nd MILO Marathon National Finals na nagsimula at nagtapos sa Centennial Arena Linggo ng umaga. Naitala ni Tabal ang kanyang ika-anim na sunod na kampeonato habang nakabalik muli sa trono si Poliquit matapos ang dalawang taon.

Tinapos ni Tabal ang 42.195 km na karera sa oras na 2:56:31. Tatlong minuto ang kanyang lamang sa pumangalawang si Cristabel Martes (2:59:31) at pumangatlo si Cristine Hallasgo (3:06:16). Hinigitan na ni Tabal ang limang korona ni Arsenia Sagaray (1992-1994 at 1996-1997). Pinantayan din niya ang anim na korona ni Roy Vence (1993-1994, 1996, 1998-1999 at 2004) para maestablisa ang kanyang pagiging alamat sa MILO Marathon.

May dagdag premyo sina Tabal at Martes dahil nakamit din nila ang 2nd at 3rd place sa Open Division kung saan nanaig si Margaret Njuguna ng Kenya sa oras na 2:50:50. Gaya ng inaasahan, winalis ng mga kalalakihang taga-Kenya ang Open Division sa katauhan nina David Kipsang (2:20:29), Stephen Mugambi (2:22:29) at Joackim Kemboi (2:27:45).

Ito naman ang ikatlong korona ni Poliquit, na unang naghari noong 2014 at 2015. Umoras siya ng 2:28:47 upang iwanan sina Jerald Zabala (2:31:25) at Richard Salano (2:33:17).

Dahil sa husay na ipinakita nina Tabal at Poliquit, sila ang kakatawan sa Pilipinas sa parating na Southeast Asian Games sa susunod na taon.

Mahigit 800 na mananakbo buhat sa 10 karera mula Hulyo hanggang Nobyembre ang lumahok sa pinakamalaki at prestihiyosong patakbo sa bansa na may adbokasiya na mag-alay ng libreng sapatos at bola sa piling pampublikong paaralan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page