Public school teachers, obligado pa ring magtrabaho kahit Christmas break!

MATATANDAANG, nilinaw ng Department of Education (DepEd) ang DepEd Memorandum Order No. 49 kung saan nakatakda na hanggang December 15 na lamang ang klase sa public schools at ang Christmas break ay mula sa December 16 hanggang 22, pero ang mga pampublikong guro ay obligado pa ring mag-report at pumasok sa trabaho.
Gayunman, kahit wala pang masyadong umaapela, tiyak na umaaray na sila dahil kahit bakasyon na ay dapat pa rin silang magtrabaho, pero ang hiling nila na dagdag-sahod ay hindi pa rin tinutugunan ng gobyerno.
Ngunit, bago pa man lumaki ang isyung ito, ipinaliwanag na ng DepEd na nakasaad sa kanilang Order No. 53 na required pa ring magtrabaho ang mga guro kahit sa naturang petsa ng Christmas break.
Ito ay sa kadahilanang ang pagtuturo ay serbisyong pampubliko na kinakailangan ng agarang report at ang anumang delay dito ay tiyak na makaaapekto sa outcome ng mga estudyante.
Gayundin, nakasaad naman sa DepEd Order No. 25 na may discretion ang private schools na magkaroon ng sariling school calendar kabilang ang Christmas break, pero kailangang masunod pa rin ang minimum na bilang ng araw ng kanilang pagpasok.
Samantala, kaunting tiis lang para sa ating mga guro dahil paniguradong ang pagpasok ninyo kahit bakasyon ay may magandang epekto sa edukasyon at pangangailangan ng lahat ng mag-aaral sa bansa.
Kaya ang panawagan natin sa pamahalaan, kaunting konsiderasyon naman diyan, dagdag-sahod para sa mga guro, ibigay na!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments