Hirit ni Pulong, ‘Jollibee’ sabit sa planong pagpapatalsik kay P-Digong, nakupo!
- BULGAR

- Dec 10, 2018
- 2 min read
KUNG NAKIALAM SI P-DUTERTE SA KASO NI REVILLA, DAPAT ABSUWELTO RIN SI NAPOLES — Patas ang naging desisyon ng Sandiganbayan, taliwas sa isinasatsat ng mga dilawang pulitikong ginamit ni P-Duterte ang kanyang impluwensiya para maabsuwelto sa kasong plunder si ex-Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr.
Kung totoong nakialam ang Duterte gov’t. sa kaso, dapat ay absuwelto rin si Pork Barrel Scam Queen Janet Napoles kasi “malapit” ito kay SolGen Jose Calida at napatunayan ‘yan nang ihayag noon ng SolGen na nais niyang gawing state witness (para makalaya) ang pork barrel scam queen laban sa mga dilawang mambabatas.
◘◘◘
DETALYE NG PAG-ABSUWELTO NG SANDIGANBAYAN KAY ‘BONG’ REVILLA — Inabsuwelto ng Sandiganbayan si Revilla dahil inamin ni Benhur Luy na pineke niya ang pirma ng ex-senator; pag-amin ng dalawa pang testigo (Merlina Sunas at Mary Baltazar) na dinidiktahan lang sila ng Ombudsman para idiin si Revilla; hindi napatunayan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pork barrel money ang nasa bank account ni Revilla at sa litratong magkasama sina Revilla at Napoles ay social gathering daw ito na ayon sa korte ay imposibleng sa lugar na maraming tao pinag-usapan nina Revilla at Napoles ang tungkol sa pork barrel scam, gayundin kaya sina Napoles at Atty. Richard Cambe lang ang hinatulang guilty dahil ang dalawa raw na ito ang nagsabwatan sa scam na lingid sa kaalaman ng ex-senator.
Kaya sa mga nagsasabing imposibleng hindi raw alam ni Revilla ang ginagawa ni Cambe, aba, esep-esep din ‘pag may time kasi maraming pangyayari na hindi alam ng mga amo na dinudugasan na sila ng kanilang mga tauhan, period!
◘◘◘
BAKA IPA-’TOKHANG’ NI P-DUTERTE SI ‘JOLLIBEE’?— Kabilang ang Jollibee Food Corporation sa ibinulgar ni Presidential Son at dating Vice-Mayor Paolo Duterte sa mga nagpaplano raw na patalsikin sa puwesto ang erpat niyang si P-Duterte.
Dahil sa ibinulgar na ito ni ‘Pulong’ ay malamang nagdedelikado na pala si Jollibee kasi baka ipa-”tokhang” ito ni P-Duterte? Boom!
◘◘◘
SABLAY ANG EXPOSÉ NI PULONG—Kung pakasusuriin ang ibinulgar ni ‘Pulong’ sa mga personalidad, taong-Simbahan, media at kumpanyang nais daw magpatalsik sa kanyang erpat ay tila sablay ito kasi ang isa sa pinangalanan niyang kasama sa ouster plot ay si Bishop Julio Labayen na yumao na noong April 27, 2016 na noong panahong ‘yun ay hindi pa pangulo si P-Duterte.
Kaya kung sinuman ang nagbigay ng impormasyon kay ‘Pulong’ tungkol sa ouster plot sa kanyang erpat ay dapat niyang kutusan kasi ginawa siyang katatawanan sa publiko dahil pati si Jollibee at ang yumaong Obispo ay isinama sa listahan ng mga nagpaplano raw magpatalsik kay P-Duterte, ha-ha-ha!





Comments