Tips para maibalik sa normal ang fasting blood sugar ng may prediabetes
- BULGAR

- Dec 9, 2018
- 1 min read
Dear Doc. Shane,
Niresetahan ng maintenance na gamot ang nanay ko para hindi raw magtuluy-tuloy ang prediabetes niya gayundin, pinayuhan siyang magbawas ng timbang at kumain ng tama. Nais kong malaman kung ano ang prediabetes? — Cristina
Sagot
Ang normal na fasting blood sugar (FBS) ay 5.5 mmol/L (99 mg/dL) pababa. Kung ang resulta ng FBS mo ay dalawang beses na 126 mg/dL (7.0 mmol/L) pataas, ito ay diabetes. Gayunman, may ilan din na ang kanilang FBS ay nasa gitna nito, 100-125 mg/dL (5.6-6.9 mmol/L) at ang tawag dito ay prediabetes.
Narito ang mga dapat gawin upang bumalik sa normal ang fasting blood sugar ng may prediabetes:
• Pag-eehersisyo o pagiging aktibo — subukan ang paglalakad nang trenta minutos mga limang araw bawat linggo para makabuo ng 150 minutes ng pag-eehersisyo.
• Pagbawas ng timbang — malaki ang maitutulong kahit 7% lang ang mabawas sa timbang.
• Baguhin ang diet — umiwas sa mga softdrink, iced tea at powdered juice. Maigi kung madalas ang pag-inom ng tubig dahil wala itong calories. Kumain ng gulay at prutas, tanggalin ang taba sa karne at bawasan ang pagkain ng processed meat tulad ng bacon, sausage o hotdog. Kumain ng isda dalawang beses o higit pa kada linggo.
• Pag-inom ng gamot — maaaring magpareseta ng gamot ang doktor para makatulong na bumaba ang FBS sa normal para maantala ang pagkakaroon ng Type 2 diabetes.
Gayunman, kung may prediabetes, pinapayuhan kayong magpatingin ng FBS at HbA1c kada anim na buwan o kada taon para masubaybayan kung ang prediabetes ay nauwi na ng tuluyan sa diabetes o hindi pa.





Comments