top of page
Pokwang.jpg

Karapatan ng mga kliyente ng mga abogado

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 9, 2018
2 min read

ANG Code of Professional Responsibility na marapat na sinusunod ng mga manananggol ay nagsasaad ng mga nararapat na aksiyon ng mabuting tagapagtanggol. Ang relas­yon ng abogado at ng kan­yang kliyente ay nakabase sa pagtitiwala ng kliyente sa kakayahan ng kanyang abogado na ipagtanggol at ipaglaban ang kanyang mga karapatan. Kinakailangan na ang pagtitiwalang ito ay panatilihing hindi masira ng abogado hanggang sa kahit ang kanyang serbisyo ay na­tapos na. Kapag tinanggap ng abogado ang kaso ng kanyang kliyente, marapat na ipaglaban niya ito sa abot ng kanyang makakaya, nang naaayon sa sinasabi ng batas, nang buong kahusa­yan at ibayong pag-iingat upang maipagtanggol niya ang kanyang kliyente. Ga­yundin, ang kaso ng kliyente ay hindi dapat tanggihan ng abogado dahilan lamang sa kanyang lahi, kasarian, paniniwala o kanyang sariling opinyon sa kinalaman nito sa kasong kanyang kinasasangkutan.

Ayon sa Code of Professional Responsibility, karapatan ng kliyente na mapanatiling sikreto nila ng kanyang abogado ang ka­nilang bawat komunikasyon o pinag-uusapan. Kaugnay nito, kapag ang kliyente ay humingi ng payo sa abogado, karapatan niyang makakuha ng tapat at totoong payo tungkol sa kanyang prob­lema. Kapag ang abogado ay nakatanggap ng pera o ari-arian para sa kanyang kliyente, karapatan ng kliyente na masabihan ng kanyang abogado na may­roon siyang natanggap na pera o ari-arian para sa kan­ya. Kaugnay nito, responsi­bilidad ng abogado na pag-ingatan at ibigay sa kanyang kliyente ang nasabing mga pera o ari-arian. Kapag hiniling ng kliyente na ibigay sa kanya ang mga ito, responsibilidad ng abogado na ibigay ito sa kliyente. Kapag hindi ibinigay ng abogado ang mga ito, may karapatan ang kliyente na idemanda ang kanyang abogado para mabawi ang mga ito sa kanya.

Karapatan ng kliyente na hilingin sa kanyang abogado na ipagtanggol ang kanyang kaso nang may ibayong pag-iingat at husay. Hindi dapat humahawak ang abogado ng kaso nang walang prepa­rasyon. Kapag nagpabaya ang abogado sa kanyang kaso at nagbunga ito ng ka­pinsalaan sa kanyang kli­yente, ang nasabing abogado ay mananagot sa kanyang kliyente. Subalit, sa pagta­tanggol ng abogado sa kaso ng kliyente, dapat malaman din ng kliyente na magagawa lamang ng abogado niya ang mga bagay na naaayon sa batas. Hindi dapat gumawa ang abogado ng labag sa batas para lamang ipagtanggol niya ang kanyang kliyente sa­pagkat labag ito sa sinum­paang tungkulin ng mga abogado.

Kapag humingi ang kliyente mula sa kanyang abogado ng impormasyon sa estado ng kanyang kaso, ang kanyang abogado ay kinakailangang makapag­bigay ng nasabing hinihinging impormasyon sa lalong madaling panahon.

Sa relasyon ng abogado at kliyente, marapat na mayroong pagtitiwala sa kanilang pagitan sapagkat ito ang magiging malakas na pundasyon upang magawa ng bawat panig ang kanilang responsibilidad upang makamit ang ipinaglalabang hustisya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page