Kapistahan ng Mahal na Birheng Immaculada Concepcion, ipinagdiwang!
- BULGAR

- Dec 9, 2018
- 2 min read
MULING kumalat ang mga maaanghang na banat ng pangulo laban sa Simbahang-Katolika. Gayunman, ito ang ating naging reaksiyon: “Ang mabuting lider ay maka-Diyos. Ang taong maka-Diyos ay may paggalang at pakundangan sa lahat ng tao. Paano niya nasabing 90% ng paring Katoliko ay bakla, ano ang kanyang punto na siya ay hindi bakla, na siya ay mas magaling at mas pinagpala? Nilikha ng Diyos ang lahat ng may pantay-pantay na dangal. Hindi tinitingnan ng Diyos ang tao at tinatanong, “ano ang iyong kasarian, dahil hindi kita kakausapin kung hindi ka “straight”? Nalalantad ang tunay na pagkatao ng pangulo ng kanyang kayabangan. Malinaw na hindi niya nakikilala ang kanyang sarili at tila hindi niya nais makilala ito. Hindi ba’t, tiyak na sa 110 milyong Pinoy, maraming mas matalino, maraming nagawa, mas mabuti at mapagkalinga kaysa sa kanya? Ang pagkakaiba lamang ay marami sa mga ito ay tahimik at mapagkumbaba, gumagawa ng kabutihan nang tahimik.”
Sa gitna ng panlalait, pang-iinsulto, karahasan at pagpatay, tuluy-tuloy pa rin ang hamon na linisin ng lahat ang kanilang isip, puso, diwa at kaluluwa.
Kahapon, ika-8 ng Disyembre ay Pista ng Imaculada Concepcion o ang paglilihi ni Birheng Maria na walang bahid ng kasalanan. Ibinigay ng Diyos sa atin si Maria, ang Birheng Pinagpala sa Babaeng lahat bilang modelo ng kalinisan at karangalan.
Nagtipon ang pamilya ng mga biktima ng EJK (extrajudicial killings) sa Philcoa ganap na alas-8 at alas-9 ng umaga nagprusisyon na dala-dala ang isandaang puting krus patungong Commission on Human Rights. Pagdating ng mga nagprusisyon, bumuo sila ng malaking krus habang dala-dala ang mga puting krus. Nagsindi ng mga kandila sa paanan, sa kaliwa, kanan, itaas at gitna ng krus. Bago sindihan ang mga kandila sa iba’t ibang bahagi ng mga taong bumuo ng krus at mananalangin para sa limang hamon: Alalahanin; ipagdiwang; magdalamhati; kumilos: ipahayag ang katotohanan, hanapin ang katarungan at itigil ang patayan; simulan ang paghihilom. Sinundan ito ng misa ng pagdadalamhati at paglilinis. Itinayo ang estatwa ng Mahal na Birhen ng Imaculada Concepcion sa tabi ng altar at sa huli ay inilatag sa paanan nito ang isandaang krus.
O, mahal na Inang Maria, linisin, patatagin po Ninyo ang bawat mamamayan at pakilusin kami para sa katotohanan, katarungan at kapayapaan. Amen.





Comments