BEGASO AT SALA NG OLIVAREZ, PINADAPA ANG LYCEUM SA NCRAA

NASUBUKAN nang husto ang defending champion Olivarez College bago padapain ang Lyceum of the Philippines University-Laguna sa overtime, 87-84, sa pagpapatuloy ng 26thNational Capital Region Athletic Association (NCRAA) sa Ugnayang La Salle noong Biyernes.
Kahit baguhan ng liga, nakasabay ang Pirate sa kampeon pero kinapos dahil uminit sina Vinny Begaso at Harold Sala.
Ginamit ni Begaso ang lakas at tangkad para makagawa ng 6 puntos kasama ang hook shot na ibinigay ang lamang sa Sea Lions na may 28 segundong nalalabi, 86-84. Namuno si Sala na may 20 puntos, 7 rebound, 6 assist na sumigurado sa tagumpay.
Walang awang inilampaso ng De La Salle University-Dasmariñas ang bisitang Asian Institute of Maritime Studies, 104-67, sa likod ng anim na tres ni Jonas de Vera para sa 18 puntos sa loob ng 14 minuto sa sahig. Nagdagdag ng 14 puntos si Louie Montes.
Sa ibang laro, gumawa ng pitong sunod-sunod na puntos si Avi Arellano sa huling 3 minuto ng laro upang itulak ang St. Francis of Assisi College sa panalo kontra Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, 77-65.
Nakalapit ng 1 puntos ang PLMun, 63-64, at iyan ang naging hudyat para magpakabayani si Arellano na nagtapos na may 21 puntos at sinundan siya ni Kenji Manzanilla sa 20 puntos.
Babalik ang 26th NCRAA sa PATTS College of Aeronautics bukas, Martes (Dis. 11) para sa tatlong laro tampok ang tapatan ng PATTS (1-1) at bisitang Immaculada Concepcion College (1-1) sa 12:00 ng tanghali. Ang iba pang laro ay ang National College of Business and Arts (1-2) kontra University of Luzon (1-0) sa 9:00 a.m. at susundan ng De Ocampo Memorial College (0-1) laban sa Philippine School of Business Administration-Quezon City (0-2) sa 10:30 a.m.





Comments