5 miyembro ng dugo-dugo gang, arestado


HULI ang lima katao, kabilang ang apat na babae na pawang mga miyembro ng Dugo-Dugo Gang matapos magsagawa ng entrapment operation ang Quezon City Police District Station 4 sa Novaliches.
Kinilala ang mga suspek na sina Diane Crisostomo, Jhen Sanchez, Bernadeth de Guzman, Julieta Joseph at Melvin Pacia.
Ayon kay QCPD Station 4 Chief Superintendent Rossel Cejas, dumulog sa kanilang himpilan ang biktimang si Robert Barit makaraang pagbentahan ng isang alyas Harold ng isang singsing na mayroong diyamante na nagkakahalaga umano ng P15,000.
Nakumbinsi si Barit na bilhin ang singsing subalit, nang dalhin nito sa sanglaan ay napag-alamang peke pala ito.
Kinabukasan, nakatanggap ng panibagong alok si Barit mula pa rin kay Harold.
Sa pagkakataong ito, relos na Rolex na nagkakahalagang P30,000 ang ibinebenta sa kanya.
Agad nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Harold na nakilalang si Pacia at kanyang mga kasabwat.
Narekober mula sa mga suspek ang 25 piraso ng mga branded umanong relos, mga alahas, 12 cellphones at P66,000 cash.
Kaugnay nito, mahaharap ang anim sa kasong estafa, swindling at paglabag sa Anti-Fencing Law. (BRT)





Comments