top of page

Posibleng dahilan ng pagkakaroon ng gout

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 8, 2018
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Namamaga, namumula at masakit daw ang hinlalaki ng mga paa ng tatay ko. Ito ba ang tinatawag na gout, bakit nagkakaroon nito ang mga nagkakaedad? Ano ang sanhi at paano ito maiiwasan? — Christian

Sagot

Ang gout ay nangyayari kapag may naipong “urate crystals” sa kasukasuan. Ang “urate crystals” ay nabubuo kapag mataas ang lebel ng uric acid. Ang uric acid ay dumi sa katawan na nasa dugo at ito ay resulta ng pagbe-breakdown ng mga substansiyang tinatawag na purine.

Sa normal na proseso, ang uric acid ay nalulusaw sa dugo at dumaraan sa kidneys pagkatapos ay lumalabas sa katawan kasama ng ihi. Ngunit, kapag ang katawan ay gumagawa ng labis na uric acid at hindi ito maayos na nailalabas ng kidneys, naiipon at nabubuo ito na parang matutulis at malakarayom na kristal na karaniwang makikita sa hinlalaki ng mga paa. Ang kasukasuan ng mga tuhod at mga kamay ay maaari ring tamaan ng gout.

Narito ang mga sintomas ng gout:

  • Napakasakit na kasukasuan na karaniwang nararamdaman sa hinlalaki sa paa.

  • Ang sakit ay gumagrabe sa unang 12 hanggang 24 oras matapos itong magsimula.

  • Hindi maigalaw na bahagi ng joint at napakakirot kahit masaling lang.

  • Namumula at namamaga ang apektadong kasukasuan.

  • Mainit kapag hinahawakan.

Narito ang mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng gout:

  • Namana sa mga magulang o nasa lahi.

  • Mula sa pagkain — kapag mahilig kumain ng mga pag­kaing nagpapataas sa level ng uric acid, may tsansa na magkaroon ng hyperuricemia at magre­sulta sa gout.

  • Edad at kasarian — ang karaniwang nagkakaroon nito ay mga lalaki, lalo na ang mga nasa pagitan ng edad 40 at 50.

  • Medikal na kondisyon — tulad ng altapresyon na hindi nagagamot, diabetes, mataas na fat at kolesterol sa dugo (hyperlipidemia) at pagkipot ng mga arteri (arteriosclerosis).

Narito ang mga paraan para ito ay maiwasan:

  • Wastong kondisyon at kalusugan ng katawan.

  • Pag-iwas sa pagkaing nakatataba.

  • Madalas na pagkain ng gulay.

  • Regular na pag-eehersisyo.

  • Pagpapanatili ng wastong timbang.

  • Pag-iwas sa sobrang pag-inom ng alak.

  • Pag-iwas sa mga pagkaing mataas sa purine tulad ng ilang uri ng isda, pulang karne, kabute at laman-loob ng mga hayop.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page