Plantasyon ng saging inatake ng NPA, 6 sekyu nadale
- Jeff Tumbado
- Dec 8, 2018
- 1 min read
ANIM na sekyu ang sugatan sa pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa plantasyon ng saging sa North Cotabato.
Nakilala ang mga biktima na sina Jerry Cansico, Ramar Embay, Naseran Embana, Joel Algocoy, Nelson Ampugo at Christoval Felix, pawang mga security guard ng Lapanday Banana Group of Companies sa Bgy. Dallag, Arakan, North Cotabato.
Nasugatan ang mga sekyu nang masabugan ng bala mula sa M79 grenade launcher na pinaputok ng mga rebelde na nasa ilalim ng tinaguriang Guerilla Front Committee 53.
Ayon kay Police Supt. Bernard Tayong, inatake ng NPA ang Lapanday Banana plantation kaya napilitang lumaban ang mga security guard.
Nagsimula ang bakbakan alas-8:45 ng gabi ng Huwebes at tumagal ng halos isang oras.
Sinasabing umatras ang mga rebelde patungo sa bulubundukin ng Arakan nang matunugan ng mga ito ang paparating na tropa ng militar at pulisya.
Pangingikil ang isa sa nakikitang motibo sa pagsalakay ng mga NPA.





Comments