Pahayag ni P-Duterte na patayin ang mga Obispo, "dramatic effect" lang, tsk-tsk-tsk!

NAGWAGING muli ang Ateneo Blue Eagles Men’s Basketball Team sa UAAP. Tinalo ng Ateneo Blue Eagles ang UP Fighting Maroons ng dalawang beses para masungkit ang championships. Punumpuno ang Araneta Coliseum ng mga tagasuporta ng dalawang unibersidad. Kapansin-pansin ang ilang pulitiko at artista ang nanood ng laro, suot ang kulay ng kanilang sinusuportahang paaralan. Mismong si Vice-President Leni Robredo ay nanood din ng laro, UP ang kanyang sinuportahan.
Iba ang naging laro ng pangalawang paghaharap ng dalawag koponan. Kung dikit ang laro noong unang paghaharap, hindi nakasabay ang UP sa Ateneo noong Miyerkules. Pero, kahit malinaw na matatalo na ang UP, hindi pa rin bumigay ang pagsuporta sa mga manlalaro. Para sa marami, ang makaabot ng Finals matapos ang tatlumpu’t dalawang taon ay tagumpay na. Hindi na makikilalang kulelat ang UP Fighting Maroons. Hanggang sa susunod na taon kung saan may mga papasok nang mga magagaling na manlalaro. Siguradong palabang muli ang UP.
◘◘◘
May hamon si Sen. Antonio Trillanes IV kay Pangulong Rodrigo Duterte. Kung nagbibiro lang siya tungkol sa paggamit ng marijuana ay magpa-drug test siya para patunayan sa mamamayan na hindi siya adik tulad ng libu-libong napatay dahil sa kanyang madugong kampanya kontra droga. Ito ay matapos magpahayag at bawiin na biro lang na siya ay gumagamit ng marijuana para manatiling gising.
Ayon sa kanya, kung ang kanyang mga pahayag ay katawa-tawa, siya ay nagbibiro lang daw, kaya ang pahayag ba niyang patayin ang mga Obispo ng Simbahang-Katolika dahil wala raw silang silbi ay biro rin? Agad nagsalita ang Palasyo at sinabing “dramatic effect” lang ang pahayag ni P-Duterte, hyperbole na naman. Paano kung may mga maniwalang mga tauhan ni P-Duterte sa kanyang utos, “dramatic effect” pa rin? ‘Yan na lang talaga ang solusyon ni P-Duterte sa lahat. Patayin ito, patayin ‘yan at patayin lahat. Ilang libong bangkay pa ang idaragdag sa kanyang pamana?





Comments