Pagkaing epektib na panlaban sa kanser

Dear Doc. Shane,
Malakas akong uminom ng tsaa imbes na kape. Ang sabi nila, nakatutulong daw ito para maiwasan ang kanser. Totoo ba ito at bukod sa tsaa ano pa ang ibang panlaban sa kanser? — Estela
Sagot
May ilang pag-aaral na nagpatunay sa kahalagahan at mabuting epekto ng antioxidants sa ating kalusugan. Ito ay nakapagbibigay ng proteksiyon mula sa ilang uri ng mga sakit at pinababagal din nito ang proseso ng pagtanda ng pisikal na katawan ng tao. Aktibo nitong nilalabanan ang free radicals sa katawan na may kaugnayan sa mabilis na pagtanda ng cells sa katawan at pagkakaroon ng sakit na kanser.
Narito ang ilan sa mga karaniwang pagkain na mayaman sa antioxidant:
Ubas at pasas—ang ubas ay likas na mayaman sa antioxidant, lalo na ang mga mapupula o maiitim. Ang flavonoids at polyphenols na makikita sa balat nito ay mga uri ng antioxidant.
Mangosteen—ang mangosteen ay siksik sa antioxidant dahil sa taglay nitong mapupulang balat. Maaaring ilaga ang balat na pinatuyo sa araw at inumin ang pinaglagaan upang mapakinabangan ang antioxidant.
Strawberry—ito ay kilala ring mayaman sa antioxidant. Sa isang tasa nito, maaaring makakuha ng hanggang 6,000 antioxidants.
Carrots—ito ay dahil sa beta-carotene na mayaman sa carrots. Makatutulong din ito na protektahan ang katawan mula sa masasamang epekto ng free radicals.
Dark chocolate—ito ay kilala rin na may taglay na antioxidant ngunit, ang dapat na piliin ay ang dark chocolate sapagkat ito ang may mataas na antioxidants.
Tsaa—ang tsaa ay maaaring makuhanan ng dalawang uri ng antioxidants — ang anthocyanin at pro-anthocyanin. Pareho itong nakatutulong na labanan ang masasamang epekto ng free radical sa katawan pati na ang ilang uri ng sakit.
Berries—tulad ng blueberry, raspberry, cranberry at blackberry ay likas ding mayaman sa antioxidants.
Beans—tulad ng kidney bean, pinto bean, black bean at red bean ay likas ding mayaman sa antioxidant.
Mansanas —bagama’t, ito ay kilalang mayaman sa Vitamin C, may taglay din itong antioxidant na kinakailangan ng katawan.





Comments