top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

DOH, nagbabala hinggil sa panganib ng pagpapaputok ngayong darating na Bagong Taon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 7, 2018
  • 2 min read

WALA pang Pasko, pero mahigpit nang nagba­babala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa panganib na dulot ng pag­papaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa katunayan, kamakalawa ay inilunsad ng DOH, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP) at EcoWaste Coalition ang ‘Oplan: Iwas Paputok’.

Kung saan ayon kay Health Assistant Secre­tary Charade Grande, marami umanong mas ligtas na paraan upang salubungin ang pagda­ting ng Bagong Taon tulad nang panonood ng community fireworks display at pag-iingay gamit ang mga torotot.

Gayunman, sinabi ng EcoWaste Coalition na maging ang paggamit ng torotot ay hindi umano ligtas dahil maaaring may nakalalasong materyal ang mga ito na makaaapekto sa ating kalusugan, lalo na sa mga bata.

Matatandaang, ang piccolo, kwitis, lusis at foun­tain ang nagdulot ng pinakamaraming mga nasaktan sa pagsalubong sa Bagong Taon noong mga nakaraang taon kaya sana ay sumu­nod tayo sa babala at alituntunin ng mga kinau­ukulan.

Kung ayaw nating mapahamak, huwag na nating piliting bumili ng mga paputok, lalo na ang mga ipinagbabawal.

Maaaring gamitin ang kaldero, sandok o busina ng sasakyan upang makapag-ingay, pero huwag na ang mga bagay na peligro lang ang maidudulot sa ating buhay.

Samantala, ang payo natin sa mga magulang, bantayan ninyong maigi ang inyong mga anak nang sa gayun ay maaagapan n’yo sila sa pag­bili ng iba’t ibang paputok na maaaring maglagay sa kanila sa kapahamakan.

Salubungin natin ang Bagong Taon ng may saya, pero huwag nating hayaang ang pagsa­saya ay mauwi sa disgrasya!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page