Dagdag-tax sa plastik

ITINUTULAK na rin sa Kamara na mapatawan ng excise tax ang mga plastic bag na karaniwang ginagamit sa mga supermarket, mall, shop, sales outlet at iba pang katulad na establisimyento.
Sa inihaing House Bill No. 8523 o Plastic Bag Tax Act, nais mapatawan ng P10 excise tax ang bawat piraso ng plastic bag na gagamitin o paglalagyan ng mga pinamiling produkto mula sa mga establisimyento o pamilihan.
Ipapataw ang nasabing excise tax sa plastic bag sa mga establisimyento na may gross receipts na mahigit sa P100,000 o mga bagong tayong negosyo na may kapital na hindi bababa sa P100,000.
Gayunman, exempted naman sa P10 dagdag na excise tax ang ilang produkto o pagkain na ang ‘original packaging’ ay plastic tulad ng isda, karne, poultry products, gulay, prutas, confectionery, dairy products, ice at mga lutong pagkain.
Para sa may-akda ng panukala, makatutulong ang dagdag na excise tax sa mga plastic bag para maiwasan ang paggamit nito na lubhang nakasisira sa kapaligiran at kalusugan ng mga tao.
Ang kita na makokolekta mula sa excise tax sa plastic bag ay gagamitin para sa pagpopondo sa mga programa at proyekto ng pamahalaan lalo na sa mga programa sa paglaban sa epekto ng paggamit ng plastik.





Comments