CHESS AT BASEBALL SA TOPS ”USAPANG SPORTS”
- BULGAR

- Dec 6, 2018
- 2 min read

SENTRO ng balitaktakan ngayon ng “Usapang Sports” ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) ang chess at baseball sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Magbibigay ng kanilang pananaw sa katayuan ng chess at sa pagsabak ng National Team sa 17thAsian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) sina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Prospero “Butch” Pichay, Asia’s first GM Eugene Torre at GM Jayson Gonzales.
Nakatakda ang torneo sa Dec. 9-19 sa Tiara Hotel sa Makati na tatampukan ng chess masters mula sa 16 bansa at magsisilbing qualifying para sa World Chess Cup 2019 sa Khanty-Mansyisk, Russia.
Sasandigan ang Team Philippines nina GMs John Paul Gomez, Darwin Laylo at Joey Antonio, IMs Jan Emmanuel Garcia, Haridas Pascua, Marvin Miciano, Paolo Bersamina at bagong ASEAN seniors champion Chito Garma sa men’s division, gayundin si WGM Janelle Mae Frayna sa women’s class.
Magbibigay din ng kanilang mensahe ang bagong UAAP junior baseball champion Ateneo de Manila, sa pangunguna ni sports director Randy Dizer. Winalis ng Ateneo ang NU, 2-0, sa best-of-three series sa Rizal Memorial Sports Stadium.
Nakatakda ang programa, suportado ng National Press Club sa pamumuno ni Rolando ‘Lakay’ Gonzalo ng 10 a.m.
Samantala, ilalarga bukas ang PSC-Korea Institute of Sports Science national coaches/school coaches quarterly lectures sa PhilSports Complex sa Pasig City.
Hinayag ni Ramirez na may mga lecturer na may Doctor of Philosophy at Master of Arts kaya may pagkakataon ding makadalo ang coach na may PhD at MA mula sa DepEd bukod sa national team.
Pasok pa rin ang prorama ng national government sports agency sa grassroots kung saan nito lang nakaraan ay nakipagkasundo sa DepEd upang magpokus sa 20 sports na lalaruin mula sa Palaro, Batang Pinoy C’ships at PNG ng PSC. (ATD)





Comments