BLAZE SPIKERS, MAPIPIGILAN KAYA NG REALTORS SA PSL?


MAPAGPAG ang dating kabiguan ang pakay ng Sta. Lucia kontra Petron Blaze Spikers sa kanilang sudden-death quarterfinal game sa Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayong Huwebes sa Batangas Sports Coliseum.
Magsisimula ang aksiyon ng 7 p.m. kung saan pakay ng Lady Realtors na pigilan ang Blaze Spikers sa pagmartsa tungo sa korona sa prestihiyosong women’s club tourney.
Target din ang spot sa semifinals ng Generika-Ayala at Smart na magbabakbakan ng 4:15 p.m. sa opening match ng season-ending conference na isinasaere ng ESPN5 at Aksyon TV.
Makaraan ang injuries kina Filipino-American spiker MJ Philips at Chin Basas sa nagdaang ilang linggo, natatalo ang Lady Realtors sa 10 matches at maging huli sa talaan ng preliminaries pero nakalusot sa quarterfinal duel kontra unbeaten Petron.
Hinahamon ni head coach George Pascua ang players niya na palakasin ang laro, lakasan ang loob upang mabago ang kanilang kapalaran bagamat gigil ang Blaze Spikers na duplikahin ang malinis na pag-sweep sa torneo.
“We don’t want to end up winless,” ayon kay Pascua, na sumuko sa Petron sa nakaraang laro 18-25, 25-27, 17-25.
Astig sa Petron ang core nina Dindin Manabat, Rachel Anne Daquis at Aby Marano. Mataas naman ang morale ng mga bataan ni coach Shaq Delos Santos at handa sila sa q’finals.
“We worked hard in the preliminaries so expect us to work harder in the quarterfinals,” aniya na ilalarga ang middle blockers na sina Mika Reyes at Remy Palma maging sina Rhea Dimaculangan, Aiza Maizo-Pontillas, Sisi Rondina at Bernadeth Pons.
“Sta. Lucia is a tough team. It’s going to be an interesting match.” (MC)





Comments