top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Unang linggo ng Adbyento, ilalaan sa pag-anyaya ng tunay na Diyos

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 5, 2018
  • 2 min read

MARAMING opisyales ang napapalitan. Iba’t ibang pangalan at mukha ngunit, mayroon kayang bagong pamamalakad, pag-uugali, diwa at espiritu na magluluwal ng bago at malayang bansa?

Napakaraming nasa pamahalaan ang nagtagal at unti-unting nagbago ang mga ito. Nakalulungkot na tila humina ang kanilang mga prinsipyo at tila naging praktikal na lamang. Totoo ang kasabihang, “power corrupts and absolute power corrupts absolutely.”

Napakaraming mga institusyon ang nagpahina at tuluyan nang nawalan ng bisa. Mahina na ang tiwala ng marami sa kapulisan, korte, mga balita o sa opisyal at pampublikong pama­­ma­hayag ng katotohanan dahil usung-uso na ang “fake news”.

Ngayong unang linggo ng Adbyento, ating ilalaan ang susunod na apat na linggo upang maglakbay sa pinakamalalim na sulok ng ating isip, puso at kaluluwa upang muling anyayahan ang tunay na Diyos.

Marahil, hindi natin tinitingnan, tinitimbang at sinusuri ang maraming mga nangyayari sa ating kapaligiran, madaling humina at tuluyan nang mawala ang mahahalagang prinsipyo at malalalim na paniniwala. Gayundin, maaaring manghina ang ating pananampalataya sa tunay na Diyos at sa halip unti-unting sumusunod sa mga diyus-diyosan at huwad na mga pinuno.

Nakalulungkot ngunit, kailangang gamitin ang pang-uring “tunay” para sa Diyos, dahil sa paglitaw ng mga pinunong kumakalaban sa Diyos at umaabuso sa kanilang kapangyarihan. Dahil sa ganitong pinuno, hindi lang humihina kundi tuluyan nang nawawala ang marangal at tuwid na pagkatao. Hindi nakagugulat kung paano palakpakan ang kalaswaan at kabastusan at kung paano payagan at ipagtanggol ng marami ang tuluy-tuloy na pagpatay sa mga mahihirap na adik at pusher. Kasabay ng pagpalakpak at pagpupugay sa bastos at marahas ay ang katahimikan ng marami. Gayundin, sa pambabastos sa kaparian, Obispo, Santo Papa at sa Diyos na tila nauutal na ang tinig ng marami.

Ipinaalala ni Fr. Gerald Arbuckle ang kahalagahan ng pagreklamo at pag-atungal. Sabi nito, mismong si HesuKristo ay nagreklamo nang ito ay naghihirap sa krus, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46). “Ang hindi pagreklamo at pagprotesta ay mamumunga ng pagkalunod sa ating dalamhati. Tayo ay masisira ng ating bigong pagbigkas ng sakit ng ating kawalang kapangyarihan,” ‘ika ni Fr. Arbuckle.

Hindi sapat na sindihan lamang ang apat na kandila sa apat na linggo ng Adbyento. Kailangang sabayan ang masayang pagsalubong sa pagsilang ng tunay na Diyos ng buhay at marubdob na pamamahayag ng dalamhating tunay na nangyayari at nararanasan dahil sa pamamayagpag ng mga diyus-diyosan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page