Nagbabantang TRAIN Law 2, 'di na mapipigilan
- BULGAR

- Dec 5, 2018
- 2 min read
SA isang talumpati sa Palasyo, nasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumamit umano ito ng marijuana para manatiling gising sa Singapore noong ASEAN Summit. Mahirap daw kasi ang schedule ng ASEAN Summit noon. Kaya ba siya wala sa ilang miting noong ASEAN, dahil “nagpapahinga”? Pero binawi, niya ito at nagbibiro lang daw siya. Sinegundahan din agad ni Sen. Koko Pimentel na kahit kailan ay hindi raw nag-marijuana si P-Duterte. Pero bago ‘yan, tila ipinagtanggol din agad ni Sen. ‘Tito’ Sotto ang pagma-marijuana umano ng pangulo at nagpapakalma lang daw.
Ilang beses nang nagaganap ang eksenang ito. Mayroon bang sasabihin si P-Duterte? Dahil sa bawat pagkakataon na nangyayari ito agad ding itatanggi o may nagpapaliwanag tungkol dito. Si P-Duterte mismo ang nagsabing nagbibiro lang siya. Paano seserysohin ang pinakamataas na opisyal ng bansa, magbibigay na lang ba tayo ng panahon para sa sinuman na magpapaliwanag sa mga mapangahas na pahayag ng pangulo o huwag na lang pansinin?
◘◘◘
Ilang linggo nang bumababa ang presyo ng gasolina at diesel na siyempre, ikinatutuwa ng lahat. Tila maagang pamasko sa bansa pero, para malaman ng lahat na hindi na mapipigilan sa parating na taon ang karagdagang buwis na ipapataw sa lahat ng produktong petrolyo na bahagi ng TRAIN Law. Dahil mas mababa na ang presyo ng langis, ipatutupad na ang pangalawang bahagi nito.
Talagang hindi mabigyan ng pahinga ang mga Pilipino sa mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Bumababa ang presyo ng langis ngunit, kakabig naman ang gobyerno sa mamamayan. Tiyak na papalo ulit ang inflation. Hindi natin alam kung ano pa ang papatawan ng karagdagang buwis sa ilalim ng pabigat na TRAIN Law sa parating na Bagong Taon. Siguradong hindi lang produktong petrolyo ang mapapatawan ng buwis. Sana, biro lang din ang mga pahayag na papatawan ng buwis ang anumang produkto sa darating na Bagong Taon.





Comments