top of page
Pokwang.jpg

SIGALOT SA IOC AT AIBA, TULOY ANG IMBESTIGASYON

Eddie M. Paez Jr.
Dec 4, 2018
1 min read

HINDI pa rin kinakikitaan ng solusyon ang sigalot sa pagitan ng International Olympic Committee (IOC) at ng International Boxing Association (AIBA) matapos magpasya ang IOC Executive Board na imbestigahan ang napaulat na iregularidad na pagpapalakad ng AIBA. Ang pagsisiyasat ay tatakbo sa susunod na mga buwan at inaasahang magkakaroon ng pinal na resulta sa kalagitnaan ng susunod na taon. Sa panahong iyon, malalaman na kung talagang mawawala sa 2020 Tokyo Olympics ang AIBA bilang organizer ng boxing.

Napaulat na kasama sa mga alternatibong tinitingnan ng IOC ay ang pagbuo o pagbibigay ng kapangyarihan sa isang grupo upang i-organisa ang bakbakan ng mga simonpures sa loob ng ring sa Olympiada sa Japan halos wala nang dalawang taon mula ngayon.

Nagpahayag ng pangamba ang ibang sektor sa masamang epekto ng mahabang imbestigasyon at sinasabing maaantala ang paghahanda ng mga boksingero para sa Olympics kung sa Hunyo pa lalabas ang resulta ng pagsisiyasat. Tiniyak ng pamunuan ng IOC na ginagawa nito ang lahat ng paraan upang matuloy ang boxing sa 2020 kahit wala sa eksena ang AIBA.

Sa kabila nito, hindi nabagabag ang karamihan ng mga boxing associations at iniluklok pa rin si Rakhimov sa pinakamataas na upuan ng AIBA nang kumandidato ito kontra kay Serik Konakbayev ng Kazakshtan.

Isa ang boxing sa mga inaasahan ng Pilipinas bilang hugutan ng karangalan sa nakalipas na mga taon at tiyak na nakasubaybay ang PSC at POC sa kahihinatnan ng sigalot.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page