7 kulong sa droga

PITONG hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang isang babae ang naaresto sa buy-bust operation sa Navotas City.
Ayon kay Navotas Police Chief Sr. Supt. Ramchrisen Haveria, Jr., ala-1:40 ng madaling-araw nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PSI Mark Flores sa koordinasyon sa Navotas Maritime Police ang buy-bust operation kontra kina Eduardo Rosal alyas Michael Buang, 34; Robinson Medina, 24; Dixie Baron, 23, at Rossel Magos, 25, sa Market 3, Bgy. NBBN.
Isa sa mga operatiba ang nagpanggap at nakabili ng dalawang plastic sachets ng shabu mula sa mga suspek kapalit ng P1,000 marked money.
Nang magkaabutan, agad sinunggaban ang mga suspek at narekober sa mga ito ang pitong plastic sachets na naglalaman ng hindi pa mabatid na halaga ng shabu at buy-bust money.
Habang nagaganap ang operasyon, naaktuhan naman ng iba pang operatiba na nakaposisyon bilang perimeter security sa madilim na bahagi ng lugar na sumisinghot ng shabu sina Hilario Ducos, 20; Richard Garado, 33, at Reynaldo Esgana, 22.
Narekober sa mga ito ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid pa ng shabu at ilang drug paraphernalias.





Comments