SAN AGUSTIN SA 1ST WIN, UST, UNBEATEN SA PSL
- BULGAR

- Dec 2, 2018
- 1 min read

NAKASAMPA sa unang panalo ang Colegio San Agustin nang gulantangin ang Far Eastern University, 17-25, 22-25, 25-12, 25-18, 15-12 sa Philippine Superliga Collegiate Grand Slam kahapon sa Caloocan Sports Center. Sa kabila ng pagkaiwan sa two sets, hindi sumurender ang Eagles, nang makagawa sina Lency Duarte at Aliah Marce ng krusyal na tirada upang makumpleto ang pag-upset at masungkit ang unang panalo sa prestihiyosong liga.
Lumagare si Duarte ng 16 kills sa 19 puntos, kabilang na ang 18 digs habang si Marce ay may 16 puntos at 13 spikes, kasama ang tatlong service aces para sa Eagles na malamya muna ang naging simula sa dalawang set na pagkaiwan. Naging instrumento rin si Maveth Torres sa panalo sa 7 puntos maging si setter Venice Puzon na may 28 excellent sets sa bisa ng 20 digs at 7 puntos. Sumabog ang tikas ni Lycha Ebon sa 29 puntos habang si Martha Mora ay may 14 hits para sa Lady Tamaraws na may 36 errors sa ikatlong talo sa apat na laban. Samantala, pinalawig ng University of Santo Tomas ang unbeaten run sa tatlong laro upang ipalasap sa University of the Philippines ang unang talo sa tatlong sets, 25-22, 25-17, 25-19, sa second match ng bakbakan. (VA/MC)
Laro sa Martes: (Batangas City Coliseum)
4:15 pm — Foton vs Sta. Lucia
7:00 pm — Cignal vs Cocolife





Comments