top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

RUDAS, MALAKAS 505KM FINISHER!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 2, 2018
  • 3 min read

KAUNA-UNAHAN sa kasaysayan ng Timog Silangang Asya na may tatlong Pinoy ang matagumpay na nakarating sa finish line ng 505km ultramarathon na idinaos noong Oct. 31 hanggang Nob. 5 na nagsimula sa Naga City Hall Grounds, Naga City, Camarines Sur ng 2 a.m. at nagtapos sa Quezon Memorial Circle ng 3 a.m.

Ang tinaguriang The Running Security Guard na si Carlito B. Rudas Jr., 28-anyos na tubong Zamboanga Sibugay ang itinanghal na kampeon sa oras na 125:10:20 oras sa unang edisyon na ito na inorganisa ng Run Active Philippines ni Race Director Rodelio Mendoza Jr., at bumubuntot sa kanya si TSgt. Edgar Miras ng Bicol 202 Brigade Unifier Phil. Army (125:40:20) habang tumersera si Raymond Nable ng Pasay City (125:52:20) kung saan naungusan nila ang dalawang iba pang mananakbo na lumahok dito.

Ikinuwento ni Rudas na bagamat may cut off time na 120 hrs ang may distansiyang katumbas na 313.792 milya ang race, maituturing pa ring isang makasaysayang record ito sa larangan ng ultramarathon sa bansa. “Ito na po ang pinakamahabang ultramarathon ko at maging sa kasaysayan ng Pilipinas. Sinipagan ko po ang praktis, pagdating sa pagkain, binabalanse ko at masusustansiya ang kinakain ko bilang preparasyon po. More on veggies at prutas. Lagi ako pakondisyon, pero a week before the race,wala rin puyatan din sa work.”

Ano naman ang pakiramdam niya matapos ang 505km? “Ahhh, sobrang saya po dahil iyan na ang hangad ng bawat runners na kalahok. Hiling ko rin sa Panginoon ang ibayong lakas, namanata muna ako sa Kanya at hindi naman ako binigo, super bless ako!”

Saang parte siya ng ruta nahirapan at ano ang pinakamadali sa kanya? “Mahirap pong ipaliwanag dahil walang mada­ling ruta. Lahat po ng dinaanan namin ay backdoor kung tawagin, walang madali, hindi basta-basta ruta, mula Bicol National Park, hanggang sa Labo, tumahak ng bundok penin­sula, binagtas po ang bitukang manok sa Quezon, akyat-baba sa bulubundukin ng Lucban, Pililla, Rizal hanggang sa Antipolo. Ilan lang po sa mga naalala kong ruta mula Naga City.”

Paano ang kanyang tulog sa halos limang araw na katatakbo, ang pagkain? “Sa tulog namin, ang totoo, nangangapa kami dahil sa oras. Still moving palagi ang nasa isipan namin, may powernap, 5,10, 15,20, 30 minutes, twice lang po makatulog sa tig-1 oras sa loob ng 5 araw at 5 gabi. Solid food ang kinakain ko kada 4 na oras.”

Ano ang nasa isip niya bago sumabak sa ganito kahabang rutang takbuhan? “Ang Panginoong Diyos ang aking motibasyon, hinihingi ko sa kanya ang gabay habang nasa mahabang lakbayin. Nananalangin na tulungan kami kapag ‘di namin kaya. Siya ang Diyos na aming inaasahan na sasama sa amin, magbibigay lakas. Huwag kaming iiwan. Inspirasyon ko rin ang aking trabaho at ang aking magulang.”

Naisip ba niya ang mag-DNF o mag-ninja para makarating agad sa finish line? “Naku, wala po sa isip ko na gawin ang mag-DNF dahil ayaw kong masira ang mindset ko at ni minsan hindi sumagi sa isip ko ang mag-ninja. Kung ganyan din lang e bakit pa ako tumakbo. Ang mahalaga po rito ay honest ako sa sarili ko. Marami kasi ang nakakakita. At saka bago sumabak dito ay dapat itanong muna ang sarili kung kaya. At kung may tiwala sa sarili ay manalangin sa Diyos na gabayan ka niya.”

Ngayong ikaw na ang kauna-unahang may hawak ng record na Pinoy na unang nakatakbo ng 505km na walang hinto,may gusto ka pa bang patunayan bilang ultramarathoner? “I’m so blessed po dahil nagawa ko at naabot ang pangarap ko sa tulong ng Panginoong Diyos. Sa ngayon wala na akong gusto pang patunayan, pero I hope madepensahan ko ang titulo sa 2nd edition ng 505km.”

Umulan at umaraw, kailangang tiyagain, araling mabuti ng ating mga bida ang pag-adjust ng katawan sa lamig at init ng panahon upang pagdating sa mismong race event ay nakahanda siya anuman ang mangyari kasabay ng kanyang cross training tulad ng pagbibisikleta, core at abs workout, legs at squat, burpee at flaterkick upang mas mapalakas pa ang katawan sa makasabog-bagang 505km ultramarathon race. Ngayong araw ng ika-27 anibersaryo ng Bulgar ay binabati ka namin sa iyong kabayanihan at kagitingan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page