top of page
Pokwang.jpg

Katarungan para kay Kian, sa wakas!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 1, 2018
2 min read

HELLO, mga bes! Ang ganda ng enerhiya ng mga araw na ito para sa atin. Masayang-masaya tayo at ang ating mga kaeskuwela na nakapasok ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Finals ng UAAP men’s basketball pagkatapos ng mahigit tatlong dekadang hindi naranasan ang ganitong tagumpay. Dahil dito, parang nagkampeon na ang nasabing paaralan kung magdiwang ang mga tao. Kung tutuusin, sa tagal nang hindi napabilang sa Finals ang UP, karangalan na nakapasok ito ngayong taon.

Nakaaaliw din ang mga hiritan sa social media ng mga mag-aaral at alumni ng iba’t ibang kasaling paaralan. Sa ngayon, hindi lamang basketball ang usaping ito kundi ang pagmamahal sa paaralang pinagmulan.

Pero, ang ikinasaya natin higit sa school pride ay ang desisyon ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 125 na humatol na nagkasala ang tatlong pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian Lloyd delos Santos. Bilang ina, lubha tayong naapektuhan sa pagkakapaslang sa walang malay na estudyante na umano ay napagbintangang sangkot sa iligal na droga. Hindi natin malilimutan ang sinasabing huling pakiusap niya na, “tama na po, may exam pa po ako bukas.”

May bigat ang desisyon ng korte dahil sinasabi nito sa atin na makakamtan ang katarungan, hindi lamang para kay Kian kundi para sa iba pang biktima ng kahina-hinalang pagkamatay kaugnay ng laban sa droga. Babantayan natin ang kasong ito hanggang sa marating nito ang nararapat na pagwawakas. Sana, makalikha ito ng puwersa na sapat para pigilan ang mga hindi maipaliwanag na pagpatay sa ating bansa. Wala na sanang mga magulang ang maulila pa dahil pinatay ang walang malay nilang anak.

Walang mali sa paglulunsad ng malawakang laban sa droga pero, hindi ito maaaring gamitin ng nagpapatupad dito para pumatay nang walang dahilan. Ito ang mahalagang punto na idinidiin ng pagkakasakdal sa mga pulis na sangkot sa kasong ito.

Sana, ganap nang makamit ni Kian at ng kanyang pamilya ang katarungang nararapat para sa kanila. Sa ganitong paraan man lamang, maglubag ang kanilang kalooban.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page