‘BATTLE OF KATIPUNAN’ KLASIKO ANG BAKBAKAN


MAGSISIMULA na ngayong hapon ang klasikong edisyon ng “Battle of Katipunan” para sa kampeonato ng UAAP Season ‘81 men’s basketball tournament sa pagitan ng reigning champion Ateneo de Manila at University of the Philippines sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa taong ito ay nakagawa ng ilang bagong tala ang Maroons sa aklat ng kasaysayan ng liga na kinabibilangan ng unang beses na pagpasok nila ng Final Four pagkaraan ng 21 taon, unang finals appearance mula noong 1986, at unang MVP sa katauhan ni Bright Akhuetie ngayong taon mula noong 1969.
Sa kabila nito, hindi pa kuntento ang UP kaya’t pagsisikapan nilang agawin ang titulo sa kapitbahay nilang Ateneo. Ngunit maraming nagsasabing dehado ang Maroons sa tapatan nila ng Blue Eagles dahil bukod sa malakas ang line-up ng huli at may taglay pang championship experience at nakapagpahinga pa ang mga ito bago sumabak sa finals kumpara sa una na naglaro sa dalawang do-or-die games.
Hindi naman itinanggi ni coach Bo Perasol na talagang dehado sila, subalit hindi iyon nangangahulugan na basta na lamang nila isusuko ang laban. “No basketball aficionado in his right mind would probably give us a good chance against Ateneo, but we would want that. We would want the tag that UP doesn’t stand a chance against Ateneo,” wika ni Perasol. “There is something that we do that’s going to keep us going forward, looking to that championship game against Ateneo. We know that we could take something from that, the courage, the resilience, our feeling that we need to keep moving,” dagdag nito.
“We need to keep fighting, no matter what the odds are. Our mindset is we’re here already, why not play the best that we can, why not fight for it?,” sabi pa ni Perasol. “Make no mistake about it, we’re going for it. “Wala sa isip namin ‘yung malakas sila, mahina kami, na we’re happy where we are. No. We’ll be there to compete, we are going to be there to win it. I don’t know what the results would be but we will be there with the intention of winning,” pagtatapos nito. Sa panig ng Ateneo, hindi naman nila iniisip na angat sila at mas malakas kaysa UP.
Kaparis ng kanilang mindset bawat laban, wala silang katunggaling mahina at muli nilang babalikan kung paano silang natalo at bumawi sa Adamson at Far Eastern University noong nakaraang eliminations.
At hindi nila pinanghahawakan ang katotohanang winalis nila ang dalawang laban kontra UP noong elimination round. Para sa Blue Eagles, ibang UP na ang kanilang makasasagupa sa finals matapos ang pinagdaanan ng mga ito na siguradong nakapagpataas ng morale nila.
Makakayanan pa kayang pangunahan ni Paul Desiderio ang UP tungo sa target nilang titulo o mas mananaig ang tropa nina Thirdy Ravena upang hindi lumipat ng bahay ang korona? (VA)
Mga Laro Ngayon: MOA Arena: 11:00 a.m. FEU vs. NU (w); 3:30 pm UP vs. Ateneo (m)





Comments