Tatlong akusadong pulis sa pagpatay kay Kian, panagutin!

DALAWANG kaganapan ang pansamantalang makapagpapatigil sa takbo ng buhay ng tao. Isa ay kapag may laban si Sen. Manny Pacquiao, kapansin-pansin na walang laman ang mga kalsada at halos lahat ay nanonood ng laban. Pangalawa, ang mahalagang laro sa basketball. Ito ang naganap sa pangalawang laban sa pagitan ng UP Fighting Maroons at Adamson University Soaring Falcons sa UAAP. Twice-to-beat ang Adamson at natalo na sila sa unang laro. Kaya kung sino ang manalo sa larong ito ay siya na ang papasok sa finals para harapin ang malakas na Ateneo de Manila University Blue Eagles. Kitang-kita sa TV na maraming nanood na alumni ng UP kahit wala pang alas-singko ng hapon at katapusan ng araw ng trabaho.
Pukpukan ang laro, walang koponan ang makalayo ng lamang dahil agad nahahabol at nag-overtime pa. Parang kulang pa ang kilig at kagalakan ng laro sa regulasyon na oras. Limang minuto pa pero, nang matapos ang limang minuto, napasok sa kasaysayan ang koponan ng UP Fighting Maroons. Matapos ang tatlumpu’t dalawang taon, nakapasok na sila sa Finals. Tapos na ang mga taon kung saan sila ang kulelat sa liga at kahit marami ang nagsasabi na malakas ang Ateneo, para sa kanila, hindi na ito mahalaga dahil para sa marami, ito na ang matamis na panlasa ng tagumpay. Ang hindi na matatawag na kulelat ng liga at pasok pa sa Finals. Congratulations, UP Fighting Maroons!
◘◘◘
Sa wakas, lumabas na ang hatol laban sa tatlong pulis na akusado sa pagpatay kay Kian Lloyd delos Santos. Guilty silang tatlo sa walang awang pagpatay kay Kian na hindi umano “nanlaban”. Ang dahilan ng mga pulis kaya nagawa ito ay baka hindi na natin opisyal na malaman. Pero, malinaw na may kultura ng pagpatay ang mga pulis nang walang dahilan kundi madagdagan ang mga numero ng mga sinasabing drug adik at pusher na nanlaban.
Isa lang ito sa mga kasong “nanlaban” umano ang mga pinatay ng mga pulis. Naging malakas ang kaso laban sa mga pulis dahil sa CCTV footage na kitang kinakaladkad si Kian patungo sa lugar kung saan ito pinatay. Maraming kaso ang walang benepisyo ng CCTV kaya wala silang laban sa bersiyon ng mga pulis. Pero, tatanggapin natin ang tagumpay na ito laban sa kasamaan. Kasamaan mula sa mga kamay ng mga nanumpang manilbihan at magbigay ng proteksiyon sa publiko gayundin, mahuli na sana ang ibang may sala.





Comments