SA LAKAS NG PARAÑAQUE AT KYUSI AKTOR ANDERSON, KINAPOS SA MPBL


IPINAMALAS ng aktor na si Gerald Anderson ang husay niya sa MPBL Datu Cup nang magtala siya ng career-high 20 points at four steals pero ang impresibong iskor ay hindi naging sapat para bitbitin ang Marikina Shoemasters sa kontensiyon dahil kinapos pa rin sila laban sa Parañaque Patriots, 71-68 na idinaos sa Muntinlupa Sports Complex.
Mainit agad ang laro ng celebrity baller, may tinikadang 11 puntos sa 2nd quarter at hinihila ang Shoemasters sa magarang laro. Siya na sana ang inaasahan ng team pero nagmintis siya sa pakay na game-tying triple sa huling 25 segundo upang mapunta sa bagong coach ng Patriots na si coach Monel Kallos ang unang panalo bilang bagong headcoach sa liga.
Ito ang ika-8 panalo sa 15 laro ng Patriots, at nagbigay sa Shoemasters ng ika-7 diretsong talo sa torneo. Natapilok na ang Marikina sa 4-10 loss slate at lagpak sa last spot ng southern division katulad ng Basilan.
Samantala, ginitla ng Quezon City ang heavy favorite na Muntinlupa, 100-97 sa overtime game.
Pinangunahan nina backcourt mates Hesed Gabo at Andoy Estrella ang paghakot ng dobleng pigura para sa Capitals na umibayo na sa 4-8 ang win-loss record pero nasa 9th spot pa rin ng northern conference.
May tig-16 na puntos na kinamada sina Jay Collado at Joco Tayongtong habang sina Alwyn Alday at Buenaventura Raflores ay may tig-10 puntos para sa balanseng lakas ng Kyusi. (MC)





Comments