Nang tanggalin, nasyunalismo sa bansa, nawala | Mandatory ROTC, ibalik na!

MALAKAS ang suporta mula sa pinagsamang Kongreso para sa plano ng administrasyong Duterte na ibalik ang Reserve Officers Training Corps (ROTC) na dating requirement sa mga estudyante bago makapagtapos ng kolehiyo.
Mayroong mga panukalang-batas na pinag-aaralan sa Senado at Mababang Kapulungan. Tinatayang maipapasa agad ang batas sa pagbabalik ng ROTC dahil maraming pulitiko ang sumasang-ayon dito.
Isa si Senador Sherwin Gatchalian na nagsabing maraming bansa sa mundo tulad ng Taiwan, South Korea, Canada, United Kingdom at Russia ang may “mandatory” na ROTC para sa kalalakihan. Sa Israel, maging kababaihan ay required na magsilbi sa kanilang militar.
Gayundin, sinabi ni Sen. Gatchalian sa kanyang Senate Bill No. 200, kailangang ma-train ang kabataan para sa pagdepensa ng bayan at kailangan din nilang masanay para sa serbisyo sa publiko.
Gayunman, sa Kongreso, nag-file si Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu ng House Bill No. 5113 kung saan hinihikayat niya ang pagbabalik ng ROTC para sa mga estudyante sa pribado at pampublikong eskuwelahan.
Ang panukalang-batas ni Rep. Abu ay mag-aamyenda sa Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act (CAFGU) o ang Republic Act 7077.
Kapag naibalik ang ROTC, “magliliyab muli ang apoy sa kabataan para magsilbi sa bayan at protektahan ang demokrasya”, ani Rep. Abu,“Sa ilalim ng ROTC ay matututunan ng kabataan ang disiplina, pakikipagkaibigan, respeto sa ibang tao, sa mga nakatatanda, nasyunalismo at ang malalim na pagmamahal sa bayan,” dagdag pa nito.
Nagsimulang humina ang nasyunalismo sa Pilipinas nang tanggalin ang ROTC sa mga eskuwelahan noong 2002. Nawala ang tanging programa na nagtuturo sa atin ng halaga ng pagsisilbi sa bayan.
Hindi ba ninyo napansin na marami sa kabataan ngayon ay puro kababawan ang nasa isip? Tanging hilig nila ay mag-mall o magbabad online sa halip na nagsasagawa ng extra-curricular activities tulad ng pagtulong sa komunidad.
Isa pang kapansin-pansin nang mawala ang ROTC ay ang paglawak ng recruitment ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa mga eskuwelahan. Paborito nilang kinukunan ng bagong kadre ay ang kabataan sa Unibersidad ng Pilipinas.
Nawala sa kabataan ang ideya na ang representante ng taumbayan ay ang gobyerno kaya tayo naghahalal ng opisyales, mula pangulo hanggang barangay chairman para magsilbi sila sa bayan at mag-ayos ng kapaligiran.
Ang mga komunista, walang ibang layunin ‘yan kundi ang makapang-agaw ng kapangyarihan para mapalitan nila ang sistema ng gobyerno mula sa demokrasya na magiging communist system na maaaring makapagpapabagsak ng bansa natin kapag nangyari ito.
Gayundin, nang mawala ang ROTC ay nabawasan ang mga nare-recruit ng militar para magserbisyo dahil noon, ang mga trainee sa advanced ROTC course ay sumasapi na sa militar.
Marami sa nagtapos ng ROTC course ay naging opisyales sa Armed Forces of the Philippines kahit hindi pa sila dumaan sa Philippine Military Academy. Ganu’n kagaling ang ROTC noon.
Sang-ayon si Senador Richard Gordon na ang ROTC ay magpapayabong ng nasyunalismo sa kabataan at mahihimok sila na sumali sa mga gawaing pampubliko.
Ang Senate Bill No. 1417 ni Sen. Gordon ay naglalayong magkaroon ng “citizens corps” na tutulong para sa depensa ng bayan at sa komunidad kapag may kalamidad o disaster.
Samantala, si Rep. Ruffy Biazon, anak ng dating AFP chief of staff ay nagsampa ng House Bill No. 1260 para maging requirement muli ang ROTC bago makatapos ng eskuwelahan.
Bagama’t, para sa kolehiyo ang ROTC noon, dahil sa pinahabang K-12 na programa sa mga paaralan ay gagawing requirement ang ROTC para sa Grades 11 at 12 ngayon.
Sigurado tayong maraming mga kaliwa at kanilang kaibigang dilawan ang aangal sa panukalang ibalik ang ROTC. Sana, huwag intindihin ng mga senador at kongresista ang mga batikos mula sa mga taong ito na galit sa bansang Pilipinas.
Ayaw ng mga komunista at mga kaliwa na lumakas ang nasyunalismo sa bansa dahil kasunod nito ay ang pag-unlad at progreso. Lahat ng mga bansa sa Asya na yumaman tulad ng Japan, China, at South Korea ay pawang “nationalistic” o malakas ang pagmamahal sa bayan. Inuuna nila ang interes ng bansa bago ang lahat.
Samatalang, ang Pilipinas, mabagal ang pag-unlad dahil na rin sa hawak ng komunista ang ilang lugar sa Visayas at Mindanao. Limampung taon na silang nakikipaggiyera sa Pilipinas. Panahon na para tapusin ang kalokohang ito.





Comments