BLUE EAGLES VS. MAROONS AFTER 32 YEARS SA FINAL!
- BULGAR

- Nov 29, 2018
- 2 min read

GAYA ng dati, halos ‘di paawat sa kanyang laro si Juan Gomez de Liaño ngunit ang kanilang kapitan at graduating guard na si Paul Desiderio ang naghatid sa University of the Philippines nang giyahan nito ang Maroons sa 89-87 overtime win kontra Adamson University sa kanilang knockout match kahapon sa UAAP Season ‘81 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Ibinuslo ni Desiderio ang huling dalawang baskets sa overtime upang ganap na makamit ang tagumpay na nakahulagpos sa kanila noong regulation makaraang ihatid ni Jerome Lastimosa ang laro sa extension sa pamamagitan ng kanyang game tying triple na nagtabla sa iskor sa 78-all.
Ito ang unang pagkakataon na muling papasok ang Maroons sa finals pagkaraan ng mahigit tatlong dekada o 32-taon. Ang una at huling pagsalta ng Maroons sa finals ay noon pang 1986 nang magkampeon ang koponan na noo’y ginabayan ni coach Joe Lipa sa pamumuno nina Benjie Paras at Ronnie Magsanoc.
Dahil sa pagbura sa twice-to-beat advantage ng second seed Falcons, nakatakdang makasagupa ng Maroons ang defending champion Ateneo de Manila sa best-of-3 finals na magsisimula sa Sabado sa MOA Arena. Nagtala si Gomez de Liaño ng career best 30 puntos kasunod si Desiderio na nagtala ng 16 puntos kabilang na ang winning basket sa huling 6.6 segundo ng overtime period.
Pinangunahan ni Jerrick Ahanmisi na naging krusyal ang pagkawala sa huling minuto ng extension dahil sa pamimintig sa ipinoste niyang 20 puntos. Samantala, nauna rito, tinapos ng Far Eastern University ang cinderella run ng UST matapos ungusan ang huli, 68-66. Para kay Lady Tamaraws coach Bert Flores, isang malaking sorpresa ang pag-usad nila sa finals dahil anim na senior players ang nawala sa kanilang line-up.
“Sobra! Sobra talaga!” pahayag ni Flores matapos pumasok ng Lady Tamaraws sa championship round makalipas ng apat na taon. “Yung team namin, anim nawala. Nu’ng wala si Clare, bulilit kami, para kaming minions. Ngayon, may (June Mar) Fajardo na kami, hindi na kami bulilit.” Ang FEU ang nagkamit ng karapatang makaduwelo ang outright finalists at reigning 4-time champions National University Lady Bulldogs sa best-of-three finals series na sisimulan sa Sabado sa SM Mall of Asia Arena. (VA)





Comments