Imbes mga Obispo, mga sangkot sa tone-toneladang shabu ang bantaang pupugutan!
- BULGAR

- Nov 28, 2018
- 2 min read
DAPAT SINA FAELDON AT LAPEÑA ANG PAGBANTAANG PUPUGUTAN, HINDI ANG OBISPO —Nagbanta si P-Duterte na pupugutan daw niya ang bishop kapag napatunayan niyang bumibili ito ng droga.
Pambihira, imbes na sina newly-appointed BuCor Director Nicanor Faeldon at Tesda Director General Isidro Lapeña ang pagbantaan niya nang ganyan dahil ang dalawang ito ay nasangkot sa puslitan ng tone-toneladang shabu sa BOC, aba, ang Obispo na alagad ng Diyos ang pinagbantaan ng pangulo na pupugutan, buwisit!
◘◘◘
PANAWAGAN NG PANGULONG ANTI-CHRIST, TANTANAN NA RAW ANG PAGSISIMBA —Nanawagan si P-Duterte sa publiko na huwag na raw pumunta sa mga Catholic Church para magsimba.
Ganu’n? Aba, gusto yata talagang patunayan ni P-Duterte sa mundo na siya ay pangulong anti-Christ, boom!
◘◘◘
BAKA ZERO VOTE ANG IRESBAK NG MGA LASENGGO SA MGA KANDIDATO NI P-DUTERTE?—Inaprubahan na ng mga kaalyado ni P-Duterte sa Kongreso sa ikalawang pagbasa ang panukalang dagdagan ang excise tax ng mga alak.
Ibig sabihin, ang dating mataas na presyo ng mga alak ay lalo pang tataas.
Dahil diyan, asahan nang sa darating na halalan ay malamang, zero vote ang maging resbak ng mga lasenggo sa mga kandidato ni P-Duterte.
◘◘◘
MGA KUBRADOR SA JUETENG NI ‘RYAN’ SA QC, MGA TULAK DIN DAW NG SHABU—Nagtutulak din daw ng shabu ang ilan sa mga kubrador sa jueteng ni “Ryan” sa mga lugar na sakop ng Presinto 1 (Laloma), Presinto 2 (Masambong) at Presinto 3 (Talipapa), pawang sa Quezon City.
Ganu’n? Aba, dapat ipa-”tokhang” na agad nina QCPD-Stn. 1 Commander Supt. Robert Sales, QCPD-Stn. 2 Commander Supt. Rodrigo Soriano at QCPD-Stn. 3 Commander Supt. Alex Alberto si “Ryan” at mga kubrador nito kasi kapag lumala ang drug addiction at illegal gambling sa kanilang mga nasasakupan ay baka malintikan sila kina PNP Chief Gen. Oscar Albayalde at NCRPO Director General Guillermo Eleazar, period!





Comments