Kabayanihan ng “Ama ng Katipunan”, ituro sa kabataan

ISANG pagpupugay at lubos na paggalang para sa ating bayani na si Andres de Castro Bonifacio na ipinanganak noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Manila.
Matatandaang, kilala bilang “Ama ng Katipunan” na siyang nagtatag ng organisasyong Katipunan na naglalayong makamtan ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya.
Higit sa lahat, siya ay kilalang malapit sa mga pangkaraniwang mamamayan.
Walang naging pormal na edukasyon si Andres Bonifacio ngunit, mayroon siyang taglay na kakaiba at kamangha-manghang katalinuhan.
Isa siya sa magagaling at matatapang na manunulat kung saan ilan sa kanyang mga akda ay “Dekalogo ng Katipunan (Sampung Utos ng mga Anak ng Bayan)”, “Mi Abanico”, “Katapusang Hibik ng Pilipinas”, “Tapunan ng Lingap”, “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” at “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”.
Karapat-dapat lamang na gunitain at pahalagahan ang tulad niyang bayani. Lalo na sa ating mga kabataan, dapat ay balikan at pag-aralan natin ang kanyang buhay, lalo na ang pinamunuang samahan na itinayo at ginampanan niya nang may paninindigan para siya ay maituring na bayani.
Sa pamamagitan ng mga linya ng mga tula, akda at talumpati ni Andres Bonifacio, naituturo ng mga modernong guro sa mga batang mag-aaral ang pagmamahal at pagmamalasakit sa ating bansa.
Tulad noong kanyang panahon ay dapat nating labanan ang maling gawain, lalo na ang korupsiyon, kriminalidad, iligal na mga transaksiyon upang mapalaya ang kasalukuyang lipunan sa banta ng kaguluhan at kahirapan.
Sa halip, pinipili natin ang mapanatili ang magagandang katangian, pag-uugali, pamumuhay at kabutihan para sa sarili at sa ating kapwa.
Sa pangunguna ng ating mga magulang at guro, matututong baunin ng mga estudyante ang karakter at integridad ng mga bayaning Pilipino.
Huwag nating kalimutang ituro ang mga naiambag ni Andres Bonifacio at maging ang iba pa nating mga bayani sa pagpapayaman ng ating karunungan, kaalaman, pananaw at pilosopiya kaugnay sa pagmamahal sa bayan.
Kaya higit na hinihikayat ang mga kabataan na buhayin ang mabubuting hangaring ito at pairalin ang pagtutulungan at pagiging makabayan sa anumang posibleng pamamaraan.
Inyong pangunahan ang tunay na pagbabago para makamit at maranasan ang makabuluhang kaunlaran sa hinaharap na maaaring umpisahan sa pagiging masikap at responsable sa pag-aaral.
Patuloy nating ipamalas sa mga kabataan na maging bayani sa isip, sa salita at sa gawa. Tandaan, ang tunay na bayani ay iginagalang at hinahangaan.





Comments