Sagabal na, delikado pa | Illegal pay parking, ipagbawal!

‘YUNG halos kinain na ng mga sasakyan ang kalsada na dapat ay madaraanan pa ng ilang mamamayan.
Hindi ba, nakakainis kapag ganito ang sistema, lalo na at may gutter nang inilaan ang mga kinauukulan para sa mga dumaraan, pero sinakop pa rin nila?
Kaya sa pagpapatuloy ng clearing operation para paluwagin ang mga kalsada, sinita ng Metropolitan Manila Development Authority ang ilang iligal na nakaparada sa Palanca Street sa Quiapo, Manila.
Gayunman, buwelta ng mga opisyal du’n, nakasaad sa memorandum of agreement at ordinance na pinapayagang ipagamit nang pansamantala ang kalsada sa kalapit na establisimyento nito na may bayad na P180,000 sa loob ng anim na buwan kaya lang imbes sana wala ng problema, napag-alaman ng MMDA na inupahan ang kalsada dahil ginawa itong parking space na may bayad.
At ayon sa kanila, hindi ito sakop ng ordinansa at iligal ang pagpa-park dito na may bayad.
Bukod pa rito, marami na rin ang nagrereklamo sa patuloy na pagsikip ng kalsada kung saan sinabi ng ilan na halos wala na silang madaanan at nakatatakot nang dumaan dahil maaari pa itong maging sanhi ng iba’t ibang klase ng aksidente dahil sa sikip.
Kaya naman hinihingi natin ang atensiyon ng mga kinauukulan na hangga’t maaari ay masolusyunan na ito bago pa man may mapahamak.
Samantala, magsasagawa rin ng masusing inspeksiyon sa mga kalsada nang hindi naiisahan ng mga pasaway.
Ang panawagan natin sa mga negosyante, huwag abusuhin ang ibinigay na oportunidad ng pamahalaan, lalo na kung iligal pa ang gagawin dito para lang kumita at makapanlamang.
Hiling natin na magkaroon na nang maaliwalas at malinis na kalsada rito sa ating bansa, pero hindi ‘yun mangyayari kung wala tayong disiplina at pagkukusa!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments