top of page

Pagmamahal at pagtatanggol sa kalayaan ng bayan, ipagpatuloy!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 26, 2018
  • 2 min read

KILALA pa ba natin si Inang Bayan, gaano natin siya kamahal at ano ang handa nating ialay para sa kanya?

Ito ang mga katanungang isinisigaw ng mga lumabas at nagprotesta sa pagdalaw ng pangulo ng Tsina. Ito ang malungkot at mabigat na himutok ng mga nagtatanong at nagtataka sa pagtanggap at pagpapahalaga ng ating pangulo at ng mga kasama niya sa pinakamataas na opisyal ng Tsina na kadadalaw lang sa ating bansa.

Mahigit dalawang taon na ang nakalipas at napakarami nang nangyaring nakalulungkot, nakadidismaya at nakagagalit. Ngunit, sa kabila nito, ganu’n na lang ang ipinakikitang interes sa mga plano at pangako ng Tsina sa ating bansa. Parang mas mahalagang pakinggan at suportahan ang mga plano ng Tsina kaysa lutasin ang mga mabibigat at seryosong problema ng ating bansa.

Wala pa ring malinaw na solusyon sa problema ng droga kundi patayin ang mga maliliit na pusher at user gayundin, sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at solusyon sa problemang pangkapa­yapaan ng bayan. Sa katugunan sa problema ng overseas Filipino workers na humaharap sa iba’t ibang mga suliranin tulad ng kanilang kaligtasan at seguridad at sa korupsiyon sa maraming ahensiya ng pamahalaan. Sa gitna ng lahat ng ito, tuloy pa rin ang paghanga at pagtanggap sa Tsina na tila nagsisimula ng mga proyektong mangangailangan ng malaking pondo na walang ibang mauutangan kundi ito.

Paano napag-usapan ang South China Sea at paano hinarap ni Chinese Pres. Xi Jingping ang maingay na protesta sa labas ng Chinese Embassy noong nakaraang araw, nagsikap ba siyang pakinggan at alamin ang isinisigaw ng mga ralista?

Mayaman ang Tsina subalit, hindi sa karaniwang tao napupunta ang kayamanan. Maraming malalaking opisyal sa Tsina ang nakikinabang dahil sa kapangyarihan ng kanilang posisyon.

Ano kaya ang ibig sabihin ni Chinese Pres. Xi Jingping nang sabihin nitong tatawagin ang South China Sea na “sea of friendship and cooperation”? Gayundin, iminumungkahi nitong 60-40 ang hatian ng anumang kikitain sa proyekto sa South China Sea. Isa lang ito sa napakaraming kasunduan sa Tsina na hindi na naipaliliwanag sa atin.

Salamat sa mga nagmartsa at nagprotesta laban sa mga ginagawang pananamantala ng Tsina. Salamat sa inyong pagmamahal at masigasig na pagtatanggol sa ating bansa at sa soberanya. Ipagpatuloy ninyo at paramihin pa ang handang magpakita ng pagmamahal at nagtatanggol sa kalayaan ng ating bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page