Karapatan ng mga empleyado sa kumpanyang mas mababa sa sampu ang bilang ng miyembro
- BULGAR

- Nov 25, 2018
- 2 min read
Ang mga empleyado ng isang establisimyento na may bilang na mas mababa sa sampu (10) ay binibigyan din ng batas ng mga karapatan tulad ng iba pang mga empleyado. Bagama’t, ang ibang probisyon ng Labor Code ay hindi angkop sa kanila dahil sila ay hindi sakop nito, hindi ito nangangahulugan na sila ay nakararanas ng diskriminasyon. Maliban sa hindi sila mabigyan ng holiday pay para sa hindi pinagtrabahuhang araw ng holiday at ng retirement benefits, may mga karapatan pa rin silang kinikilala ng batas tulad ng mga sumusunod:
1. Karapatang magtrabaho ng walong (8) oras kada araw;
2. Karapatang mabigyan ng hindi bababa sa 60 minuto na oras ng pagkain (meal periods);
3. Kapag ang nasabing mga empleyado ay nagtrabaho ng higit sa karaniwang walong (8) oras na pagtatrabaho, sila ay mababayaran ng karagdagang dalawampu’t limang porsiyento (25%) ng kanilang sahod para sa nasabing araw. Kung sila naman ay nagtrabaho sa kanilang araw ng pahinga, sila ay tatanggap ng kanilang sahod at karagdagang tatlumpung porsiyento (30%) ng kanilang sahod. Subalit, kapag sila ay hindi nagtrabaho sa mga idineklarang holiday o pista-opisyal, sila ay hindi mababayaran ng holiday pay sapagkat sang-ayon sa batas sa mga establisimyento na may mas mababa sa sampung (10) empleyado, ang mga empleyado nito na hindi nagtrabaho sa holiday ay hindi mababayaran ng holiday pay. Ang mga araw na idineklarang holiday ay ang mga sumusunod: (Regular Holidays) New Year’s Day, Maundy Thursday, Good Friday, April 9, May 1, June 12, Last Sunday of August, Bonifacio Day, November 30, December 25, December 30 (Nationwide Special Holidays) November 1, December 31 (Section 1, Executive Order 203);
4. Karapatang magkaroon ng lingguhang pahinga (weekly rest periods). Ang may-ari ng establisimyento bagama’t, mas mababa sa sampu (10) ang kanyang empleyado ay may obligasyon din itong bigyan ng lingguhang pahinga ang kanyang mga empleyado maliban lamang kung kinakailangan niya itong pagtrabahuhin dahil mayroong kinakailangang gawin sa araw na ito na kung hindi magagawa ay makaaapekto sa operasyon ng nasabing establisimyento. Subalit, kailangan niyang bayaran ang karapatang overtime pay;
5. Karapatang mabayaran ng karagdagang sampung porsiyento (10%) na night-shift differential kung ito ay nagtrabaho nang mula ikasampu ng gabi hanggang sa ikaanim ng susunod na umaga (10pm-6am). Ang basehan ng sampung porsiyento (10%) ay ang kanyang sahod ng isang araw. Ang probisyong ito ay hindi angkop sa mga establisimyento na may empleyadong hindi hihigit sa lima (5);
6. Karapatang tratuhin nang maayos at makatao.




Comments