top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Tax-free na health card premiums, huwag nang baguhin!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 24, 2018
2 min read

“MAGPAKATAO tayo at huwag tayong mandaya, pakiusap.” Panawagan natin ito sa BIR. Marami kasi sa ating mga emple­yado ang binibigyan ng kani-kanyang kumpanya ng health cards. Malaking tulong ito para mapagaan ang pagpapa­gamot o pagpapaospital. Hindi biro ang gastusin dito kaya nakahihinga ang bulsa natin dahil sa health cards pero, nagulat tayo at nadismaya nang mag­palabas ng memo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na takda na nilang buwisan ang health card premiums.

Hindi natin matanggap ang lohika nito. Unang-una, ang BIR ang nag­patupad sa batas na hindi papatawan ng buwis ang health cards. Ang ibig bang sabihin nito, kinokontra ng BIR ang sarili nitong batas na nilikha noong 1998 na nagsasabing mananatiling tax free ang premiums ng health card? Kailangan nilang linawin sa RA 10963 ang pagpapatu­pad ng kanilang memo.

Base sa nilalaman ng Revenue Memorandum Circular (RMC) 50-2018 (A7) ng nasabing kagawa­ran, ipapasok sa taxable benefits and bonuses ng empleyado ang health card premiums kahit tax-free na ang mga nabanggit na benepisyo na hindi lalampas sa kabuuang P90, 000.

Kahit isa-isahin natin ang mga pahina ng RA 10963, hindi natin makikita na dapat buwisan ang mga HMO o health card bene­fits.

Sa laki ng gastusin sa pagpapagamot at pagpa­paospital, hindi makatao na buwisan pa ang mga benepisyo na nakatutulong nang malaki para panga­lagaan ang kalusugan ng bawat pamilyang Pilipino. Ito na lang ang naaasahan natin, lalo na ng mga simpleng pamilya tapos pahihirapan pa sa buwis, makatuwiran ba ito?

Uulitin natin na sana, linawin agad ng BIR ang isyung ito dahil 13th month at bonus season na. Tiyak na maaapektuhan ang mga benepisyo ng ating mga manggagawa kung hindi ito mareresolba.

Isa tayo sa mga hindi tumigil sa pagsusulong sa tax-free bonuses hanggang sa maisabatas ito. Tinaasan na natin ang exemption para buo ang maiuuwing bonus ng mga empleyado sa kani-kanyang pamilya kaya sana, huwag na natin silang dayain.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page