Proyekto ng “Build, Build, Build” Program, hindi dapat makasira sa turismo ng bansa
- BULGAR

- Nov 24, 2018
- 1 min read
KILALA ang ating bansa sa makulay nitong kasaysayan na nag-iwan ng mga istrukturang hanggang ngayon ay dinadagsa hindi lamang ng mga dayuhang turista kundi maging ng sarili nating mga kababayan.
Hindi na natin kailangan pang lumayo upang matukoy ang mga lugar na hitik sa kultura at kasaysayan. Dito na lamang sa Maynila ay mayroon tayong Intramuros na mayroong napakakulay na nakaraan. Matatandaang, bata pa lamang tayo ay dinarayo na natin ito para sa ating mga fieldtrip. Hindi mawawala sa itinerary ng bawat eskuwelahan ang Intramuros dahil sa kahalagahan nito sa ating kasaysayan.
Kaya nababahala tayo sa nakaambang konstruksiyon ng tulay na magdurugtong sa kalye ng Solano sa Intramuros at kalye ng San Fernando sa Binondo. Noong nakaraang Agosto, ating inihain sa Senado ang Resolution no. 813 upang maimbestigahan ang isyung ito.
Dapat ay magkaroon muna ng mga pag-aaral sa geological at environmental impact at cultural heritage impact ng proyektong ito. Susi ang assessments na ito upang malaman natin bago pa man aprubahan ang proyekto kung mayroon itong magiging epekto sa turismo at heritage sites dito.
Parte ng “Build, Build, Build” Program ng Department of Public Works and Highways ang proyektong ito kaya minabuti nating iminungkahi kay Secretary Mark Villar at maging sa mga opisyal ng Intramuros administration na magsagawa ng comprehensive impact assessment and engineering interventions upang hindi maapektuhan ng proyektong ito ang heritage sites sa Intramuros.
Isyu ito dahil napakahalaga sa turismo ng ating bansa ang Intramuros kaya malaking kawalan sa atin kung may negatibong epekto ang proyektong tulay na ito.





Comments