Lider ng Sayyaf, todas sa engkuwentro
PATAY ang itinuturing na isa sa mga sub-commanders ng ISIS-linked terror group na Abu Sayyaf sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng militar sa Bgy. Limaong, Zamboanga City.
Naganap ang sagupaan sa bahagi ng Limaong Island alas-4:00 ng madaling-araw, kahapon.
Kinilala ang napaslang na ASG sub-leader na si Abu Bakar Nibras, isa sa kanang kamay nina Abu Sayyaf Supreme Leaders Isnilon Hapilon at Abdullah Indanan.
Nasawi rin ang isang pitong taong gulang na lalaki at kanyang ina na naipit sa labanan sa pagitan ng mga terorista at sundalo sa ilalim ng Task Force Zamboanga (TFZ).
Tatlong iba pang menor-de-edad ang sinasabing nasugatan sa engkuwentro at ginagamot na sa ospital.
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, nakatanggap ng intelligence report ang militar kaugnay sa presensiya ng bandidong grupo kaya agad nagbuo ng operating team ang TFZ at tinungo ang lugar.
Gayunman, habang papalapit umano ang tropa ay dito na sila pinagbabaril ng grupo ni Nibras.
Tumagal ng may sampung minuto ang bakbakan na ikinasawi ng nasabing ASG leader.





Comments